Hukuman, maaaring magpataw ng angkop na interest sa utang
- BULGAR
- Aug 13, 2022
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | August 13, 2022
Dear Chief Acosta,
Ako ay umutang noong nakaraang taon. Mataas ang interest sa inutangan ko, ngunit itinuloy ko pa rin ang paghiram dahil nagkapatung-patong ang mga gastusin ng aking pamilya. Kailangan ko ba talagang bayaran iyon kahit sa palagay ko ay labis-labis ang interest na ipinataw sa aking utang? Baka kasi kasuhan ako ng taong inutangan ko. Kung sakali ba ay maaari akong magpatulong sa inyong tanggapan? - Mona
Dear Mona,
Alinsunod sa ating batas, partikular na sa ilalim ng New Civil Code of the Philippines, obligasyon ng umutang na bayaran ang partido na kanyang inutangan nang kabuuang halaga ng utang sa panahon na kanilang napagkasunduan:
“Art. 1953. A person who receives a loan of money or any other fungible thing acquires the ownership thereof, and is bound to pay to the creditor an equal amount of the same kind and quality.”
Dahil dito, masasabing legal na responsibilidad mo na bayaran ang prinsipal na halaga ng iyong inutang kung dumating na ang itinakda ninyong panahon ng pagbabayad o due date.
Gayunman, sa aspeto ng interest, obligasyon mo na bayaran ito kung mayroon kayong kasulatan ng taong iyong inutangan na malinaw na naglalahad na may kaakibat na interest ang iyong utang. Ang legal na basehan dito ay ang Artikulo 1956 ng New Civil Code:
“Art. 1956. No interest shall be due unless it has been expressly stipulated in writing.”
Sa aspeto ng taas o baba ng interes, dahil suspendido pa rin ang Usury Law sa ating bansa sa bisa ng Central Bank Circular No. 905 s. 1982, mayroong kalayaan na magtakda ang mga partido sa kasunduan ng pangungutang kung magkano ang kanilang magiging interest. Kung kaya’t maaari kang maobliga na bayaran ang interest alinsunod sa inyong kasulatan, kahit pa sa palagay mo ito ay sadyang mabigat o labis-labis. Kung hindi ka makabayad sa itinakda ninyong panahon ay maaaring maghain ng angkop na legal na aksyon ang taong inutangan mo, kabilang na rito ang pagsasampa ng kaso laban sa iyo.
Magkagayon pa man nais naming bigyang-diin na maaaring magpataw ang hukuman ng angkop na halaga ng interest o babaan ang interest na ipapataw sa taong umutang kung sadyang mabigat o labis-labis ang interest na nakasaad sa kasunduan. Ito ay alinsunod sa desisyon ng ating Korte Supreme sa Sps. Castro v. Tan, et al., G.R. No. 168940, November 24, 2009, sa panulat ni Kagalang-galang na Dating Mahistrado Mariano C. del Castillo, kung saan tahasang inilahad na ang pagpapataw ng hindi makatwirang interest sa utang, kahit ito pa ay boluntaryong sinang-ayunan nang may buong kaalaman ay imoral at hindi makatarungan.
Para sa karagdagan pang legal na payo at tulong, maaari kayong magsadya sa PAO District Office na nakasasakop sa lugar, kung saan kayo nakatira upang mahimay ang impormasyon tungkol sa iyong legal na suliranin at mapag-aralan ang mga dokumento at ebidensya na mayroon ka. Karaniwang matatagpuan ang aming district offices sa loob o malapit sa munisipyo, kapitolyo, city hall, o sa hall of justice ng bawat bayan, siyudad o probinsya.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na iyong inilahad at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring magbago ang aming payo kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.








Comments