Handshake nina PBBM at Pres. Xi Jinping, pinagpipiyestahan
- BULGAR

- 12 hours ago
- 2 min read
ni Ka Ambo @Bistado | November 4, 2025

Pinagpipiyestahan ang handshake nina PBBM at Pres. Xi Jinping ng China.
Naalala tuloy natin ang “logo” ng USAID na nakamarka sa mga supot ng powdered milk, trigo at harina na ipinamamahagi nang libre sa panahon ni dating Pangulong Marcos Sr.
Handshake ito ng United States of America at ng Republika ng Pilipinas.
----$$$--
ANG “handshake logo” na ito ay hindi simpleng pakikipagkamay, bagkus may kasabay na “aksyon, pagmamalasakit at pagmamahal” sa ordinaryong Pinoy.
Kilala ang logo sa mga pakete ng ipinamimigay nang libre ng mga social worker at field worker ng gobyerno sa panahon ni dating Pangulong Marcos Sr.
-----$$$--
MAHIRAP ngayong ikumpara ang “handshake logo ng US-RP” sa handshake ni PBBM kay Xi Jinping.
Hindi maiaalis na mamarka agad sa isip ng mga Pinoy ang pangha-harass ng China o pang-aapi sa mga mangingisda at Philippine Coast Guard sa girian sa West Philippine Sea.
-----$$$--
BALINTUNA ang dalawang “handshake” na ito.
Handshake sa US; handshake sa China!
----$$$--
SA international diplomacy at sa pagtitindig ng isang ganap na ideolohiyang maka-Pilipino, dapat ay malinaw ang disposisyon.
Ibig sabihin, walang halong pakikipagkunwari, balatkayo o pagiging plastic.
----$$$--
ANG “RP-US handshake” logo na nakamarka sa mga sinaunang aklat na kaloob din ng Amerika sa panahon ng Philippine Commonwealth sa mga public school — ay malinaw na malinaw na pakikipagkaibigan at pag-asiste.
Pero, paano natin ipapaliwanag ang “handshake ni PBBM” sa strongman ng China?
-----$$$--
PUWEDE bang gawing logo ang handshake sa China gamit ang ChatGPT, co-pilot o MetaAI?
Anong kahulugan nito?
Puwede bang sabihin, tulad sa USAID logo, ay magbibigay din ng libreng produkto ang China sa Pilipinas?
Malabo!
-----$$$---
HANGGANG ngayon at sa mga susunod na henerasyon partikular sa social media, mananatiling “simbolo” ang handshake sa China sa panahon ng APEC.
Mabigyan sana ang Presidential Communications Office (PCO) ng angkop na kahulugan ang naturang pakikipagkamay — nang WALANG BAHID KAPLASTIKAN!
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.








Comments