Holiday, Conley at Mitchell, nagka-kuwento sa NBA game
ni Anthony E. Servinio - @Sports | March 4, 2022

Sumalaksak ng 2 puntos si Jrue Holiday upang mabigo ng Milwaukee Bucks ang numero unong Miami Heat, 120-119, sa NBA kahapon sa Fiserv Forum. Binura ng Bucks ang 113-99 lamang ng mga bisita sa huling 7 minuto upang umakyat sa 38-25 at 4 sa Eastern Conference.
Mula sa jump ball na may 9 na segundong nalalabi ay gumana ang mahigpit na depensa ng Heat. Nagtapos na may 25 puntos at 11 assist si Holiday upang hindi masayang ang trabaho nina Giannis Antetokounmpo na may 28 puntos at Khris Middleton na may 26 puntos.
Sumandal ang Utah Jazz sa 9 na magkasunod na puntos ni Mike Conley sa OT upang malusutan ang Houston Rockets, 132-127, ang ikatlong sunod na panalo. Lamang ng isa ang Rockets papasok sa last 2 minutes, 124-123, subalit bumomba si Conley ng tatlong free throws upang maselyuhan ang tagumpay.
Nanguna sa Jazz si Donovan Mitchell na may 37 puntos, 27 si Rudy Gobert. Nagtala si kabayan Jordan Clarkson ng 14 puntos kontra rookie Jalen Green na nasayang ang 27 puntos.
Nakabawi ang Phoenix Suns mula sa dalawang sunod na talo at nanaig sa Portland Trail Blazers, 120-90, upang maging unang koponan na umabot ng 50 panalo. Inangat nina Cam Johnson na may 20 puntos at Deandre Ayton na may 18 puntos.
Perpekto pa rin ang Philadelphia 76ers sa tatlong laro na ipinasok si James Harden at nagwagi sa bisitang New York Knicks, 123-108.Kinailangan din ng Indiana Pacers ang overtime upang talunin ang Orlando Magic,122-114.Pumukol ng limang three-points si Terry Rozier patungong 29 puntos at 119-98 panalo ng Charlotte Hornets sa Cleveland Cavaliers.





Comments