Holiday, Clarkson at Lopez ganado sa Bucks at Jazz
- BULGAR
- Nov 2, 2022
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 2, 2022

Anim na ang sunod-sunod na panalo ng Milwaukee Bucks at idinagdag nila sa listahan ang Detroit Pistons, 110-108, kahapon sa Fiserv Forum. Kasabay nito ay ang pagwagi ng Utah Jazz sa bisitang Memphis Grizzlies, 121-105, upang maging unang koponan sa Western Conference na may anim na panalo.
Sinayang ng Bucks ang kanilang 85-69 lamang sa third quarter at itinabla ng Pistons ang laban, 105-105, at 57 segundo sa orasan. Sinalba ang Milwaukee ng three-points ni Jrue Holiday na may 45 segundong nalalabi at sinundan ng dalawang paniguradong free throw ni Brook Lopez na may 1.5 segundo, 110-105, bago ang tres si Bogdan Bogdanovic sabay ng huling busina.
Bumuhos ng 31 puntos si Giannis Antetokounmpo habang 25 puntos at 10 assist si Holiday at 24 mula kay Lopez. Magkikita muli ang dalawang koponan bukas sa parehong palaruan.
Binuksan ni Gilas Pilipinas Jordan Clarkson ang 4th quarter ng layup na nagtayo ng kanilang pinakamalaking lamang, 99-74, at mula roon ay inalagaan ito ng Jazz at sundan ang 124-123 pagtakas sa parehong kalaro noong isang araw. Nanguna sa Jazz si Lauri Markkanen na may 31 puntos at 11 rebound at sinundan ni reserba Malik Beasley na may 18 puntos at masayang ang 37 ni Ja Morant na hindi naglaro sa unang tapatan.
Naukit ng Los Angeles Clippers ang 95-93 tagumpay kay Jalen Green at Houston Rockets.
Kinumpleto ni Green ang 3-point play para sa 93-88 lamang subalit hindi na pumuntos ang Houston sa huling 1:27 at bumuhos ng 7 puntos ang Clippers na tinuldukan ng nagpapanalong shoot ni Paul George na may anim na segundo sa orasan.
Gumawa ng 35 puntos si George at sinuportahan ni Ivica Zubac na may 16 puntos at 12 rebound sa gitna ng pagliban nina Kawhi Leonard at John Wall. Namuno sa Rockets si Kevin Porter Jr. na may 23 puntos habang 13 puntos si Green.





Comments