HIRIT NI LUIS: NOONTIME SHOW NAMIN, GAGAWA NG HISTORY
ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | October 16, 2023

Puring-puri ng mga netizens ang sense of humor ni Luis Manzano sa pilot telecast last Saturday ng It’s Your Lucky Day, ang pansamantalang papalit sa It’s Showtime habang suspendido ito.
Pinag-usapan nga agad sa social media ang pilot airing nito lalo na ang nakakatawang punch line ni Luis na gagawa raw ng history ang kanilang show dahil sa ikli ng airing.
"Naniniwala ako ngayon, eh, gagawa tayo ng history. Alam n’yo ba, ang mga kabataan ay pagkatapos ng ilang taon, pag-uusapan tayo. Nasa libro tayo ng HeKaSi,” hirit ni Luis.
"Ang tanong, kung bakit tayo pupunta sa history? Kasi first time sa lahat ng shows ng ABS-CBN, kahit sa buong industriya, hindi pa tayo natatapos ng unang episode, maa-announce na natin ang huling dalawang linggo,” patuloy niya.
Maraming netizens ang natawa sa hirit ni Luis.
"I like the humor and respect ni Luis, bagay siyang pang-noontime,” komento ng isang netizen.
"In fairness, nakakatawa talaga 'yung pa-huling dalawang linggo. Ang gagaling ng mga hosts,” sey pa ng isang nakapanood.
"Havey, jusko ka, Luis,” reaksiyon ng isa pa.
Two weeks nga lang kasi eere ang It’s Your Lucky Day sa noontime dahil sa 12-day suspension na parusa ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) sa It’s Showtime.





Comments