HIRIT NI AIKO: ROBIN, MAY 'K' MAG-SENADOR DAHIL NAMIMIGAY NG DATUNG
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters! | February 07, 2022

Isa sa mga dahilan kung bakit pinasok ni Robin Padilla ang pulitika ay para matulungan ang mga kapatid nating Muslim sa Mindanao na hanggang ngayon ay hindi natutugunan ang mga pangangailangan nila.
Naikuwento ito ni Binoe sa panayam sa kanya ng aktres at vlogger na si Aiko Melendez na kumakandidato ring konsehal sa Distrito 5 ng Quezon City.
“Ever since Robin, kilala ka bilang matulungin, naabutan kita one time sa taping na ‘yung mga stuntmen, nakalinya at inaabutan mo ng pera/tulong. Kaya I think you’re fit to be in public service and I salute you for that.
“At ikaw din ang nag-angat ng antas sa paningin ng tao sa mga Muslim. Kasi 'di ba dati, 'pag sinabing Muslim, nakakatakot? But ever since, in-uplift mo talaga sila and you came back from Marawi (City), 'di ba? Bakit madalas ka sa Marawi?” tanong ni Aiko kay Robin.
“Nagko-concentrate ako sa Marawi kasi ‘yung effect ng giyera sa Marawi City (2017), kailangan nating bantayan kasi kailangang maramdaman ng mga bata ru’n kasi ang mga matatanda, hindi na natin sila masyadong kailangang intindihin pa dahil may sarili nang isip ‘yan.
“Pero ‘yung mga bata na puwede pang maimpluwensiya ulit ng extremist, kailangan natin silang bantayan, kailangan nilang maramdaman na meron silang mga kapatid, mga leaders na nandiyan pa rin sa kanila at handang tugunan sila at meron din kasi tayong project doon, ‘yung housing,” kuwento ng aktor.
Sa housing project na ito ay kasama niya noon sina Piolo Pascual at Direk Joyce Bernal na gagawa dapat sila ng movie at ang kita ay ipagpapagawa nila ng bahay dahil nakabili na sila ng lupa na overlooking ng Lanao Lake, pero hindi nga natuloy.
Pero ngayon ay aprubado na ng Bangsamoro, officially the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM at pinondohan kaya kasalukuyang ginagawa na ang housing project na aabot sa 200 families ang makikinabang.
Nabanggit naman ni Aiko na ang laging sentro ng tulong ay sa NCR, Luzon at Visayas at hindi gaanong napapansin ang Mindanao kaya nagpapasalamat ang mga kapatid nating Muslim dahil may naging boses sila, si Robin Padilla.
Ayon kay Binoe, ang huling Muslim na naging miyembro ng Senado ay si Santanina Rasul nu'ng taong 1995.
“From there, wala na, eh. Fifteen percent ng population natin, eh, so, dapat lang may magrerepresenta sa Senado at maging boses doon ng Muslim at Kristiyano. At kaya ako nag-a-apply kasi alam ko ‘yung kultura.”
“Yes, it takes one to know one,” sambit naman ni Aiko.
Samantala, natanong naman ni Aiko ang aktor kung hindi ba nagko-complain ang asawang si Mariel Rodriguez-Padilla dahil parating wala siya sa tabi nito?
“Nagkaroon kami ng deal nu’ng bago kami naging dalawa (magkarelasyon). Sabi ko, ‘Hindi mo ako puwedeng pigilan sa rebolusyon ko. Nakilala mo ako, eto na ako. Kaya pagdating sa Mindanao, pagpasensiyahan mo ako.' Kaya full support siya, all. Pati pera niya, ibinibigay niya sa akin,” paliwanag ni Binoe.
“Dinig ko nga, sabi ni Ms. Betchay (Vidanes-manager ni Robin), pati mga tarpaulin mo raw, siya (Mariel), funds niya?” tanong ni Aiko.
“Lahat ng kinikita niya ru’n (sa steak business),” natawang sabi ng hubby ni Mariel.
“Ang sweet naman. So, paano ka bumabawi sa kanya?” balik-tanong ni Aiko.
“100% naman tulad nu’ng na-quarantine ako nang 21 days, nasa kanya ako, nag-alaga ako ng mga anak niya, lahat nandoon na. Nalulungkot lang siya kapag natatapos na ako sa quarantine kasi ibig sabihin…" biting sabi ni Robin na si Aiko na ang nagdugtong, "Maghihiwalay na naman kayo."
"Pero bawing-bawi ‘yun kasi hindi naman ako layas,” saad ng aktor.
Sinang-ayunan naman ni Aiko na noon pa ay homebody na talaga si Robin kahit noong kabataan niya.
Sa tanong kung sino ang unang nangangalabit sa kanila ni Mariel, “Depende. Kung umaga, ako, 'pag gabi, siya (natawa).”





Comments