Hirit ng OSG sa SC... Petisyon ni Bato vs. ICC, ibasura
- BULGAR

- 5 hours ago
- 2 min read
ni Mylene Alfonso @News | May 18, 2026

Photo: Donald J. Trump - FB
Hiniling ng Office of the Solicitor General sa Korte Suprema na ibasura ang petisyon ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa laban sa warrant of arrest na inisyu ng International Criminal Court.
Nauna rito, naghain si Dela Rosa ng urgent manifestation noong Mayo 11 na nagsasabing maaari nang magdesisyon ang korte sa isyu dahil nakumpirma na ang pagkakaroon ng ICC warrant.
Hindi naglabas ng temporary restraining order ang Korte Suprema at sa halip ay humingi ng komento sa mga ahensya ng gobyerno na sangkot sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Marso 2025, kabilang ang Office of the Executive Secretary, Ombudsman, Department of the Interior and Local Government at Philippine
National Police.
Tinukoy ng warrant of arrest ng ICC si Dela Rosa bilang “co-perpetrator” sa kasong crimes against humanity laban kay Duterte kung saan libu-libong pagkamatay ang naitala sa war on drugs noong panahon ng kanyang pagkapangulo.
Ang OSG, na kumatawan sa mga opisyal ng gobyerno, ay nangatwiran na ang Republic Act 9851 ang Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity ay nagpapahintulot sa gobyerno na ipatupad ang warrant of arrest ng ICC nang hindi nangangailangan ng validation ng korte ng Pilipinas.
Inulit din ng solicitor general na ang kaso ni Dela Rosa ay hindi sakop ng extradition rules, na binanggit na ang isang ICC surrender kung saan ang estado na naghahatid ng isang tao sa korte ay naiiba sa extradition, na nasa pagitan ng estado.
Iginiit din ng OSG na ang parliamentary immunity na sinasabing nagbibigay-proteksyon kay Dela Rosa laban sa pag-aresto ay naaangkop lamang sa mga kasong may kaparusahang hindi hihigit sa anim na taong pagkakakulong.
Ang crimes against humanity sa ilalim ng Article 7 ng Rome Statute ay may kaparusahang habambuhay na pagkakabilanggo, habang ang Republic Act No. 9851 naman ay nagpapataw ng parusang mula reclusion temporal hanggang reclusion perpetua.







Comments