Hirit ng CHR kay P-Duterte, tumulong sa mga binagyo, ‘wag puro kabastusan!

ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | November 29, 2020
CHR, SINABIHAN SI P-DUTERTE NA TUMULONG NA LANG SA MGA BINAGYO KAYSA MAG-SEX JOKES—Sa pagdiriwang ng International Day to End Violence Against Women noong Nov. 25, 2020 ay binatikos ng Commission on Human Rights (CHR) ang mga “sex jokes” ni P-Duterte dahil hindi raw katanggap-tanggap na katatapos lang salantain ng Bagyong Ulysses ang Luzon ay nagbiro na ng mga kabastusan ang Pangulo noong nasa Camarines Sur ito.
Ayon kay CHR Comm. Karen Gomez Dumpit, imbes na magbiro nang “kabastusan”, ang mainam daw gawin ng Pangulo ay tutukan na lang ang pagtulong ng gobyerno nito sa mamamayan dahil hanggang ngayon ay marami pa rin ang apektado ng mga nagdaang malalakas na bagyo sa bansa, korek!
◘◘◘
PABIDANG “DIAL 8888”—Isang buwan pa lang sa puwesto noon si P-Duterte nang kanyang isapubliko ang programang “dial 8888” na binuksan noong Agosto 1, 2016, na itawag lang dito ang mga korup sa pamahalaan upang agad niyang maaksiyunan, pero ang masaklap, pabida lang pala ito kasi napudpod na halos ang daliri ng mga tumatawag ay hindi sila maka-konek dito hanggang sa dedmahin na lang ito (dial 8888) ng mamamayan.
Ito na siste, porke next year ang panahon na ng eleksiyon dahil sa Oct. 2021 ay filing na ng candidacy, muling ibinida ng Malacanang ang “dial 8888” at itawag daw dito ang mga korup kasi sobrang hate raw talaga ng Pangulo ang korupsiyon, boom!
◘◘◘
DAHIL NASA MERKADO NA NAMAN ANG MGA UKAY-UKAY, IBIG SABIHIN AY TULOY ANG SMUGGLING SA CUSTOMS—Ngayong nalalapit na ang panahon ng Kapaskuhan, naglipana na naman sa merkado ang mga panindang “ukay-ukay” na mula sa ibang bansa.
Ang ukay-ukay ay isa sa mga produktong ipinagbabawal sa bansa sa pangambang ang mga used cloths na nagmula sa ibang bansa ay may virus, pero dahil ang mga produktong ito ay nakakapuslit papasok ng Pilipinas ay isa lang ang ibig sabihin niyan, tuloy pa rin ang smuggling sa Customs, buwisit!





Comments