Hinuli ng NBI sa honeytrap kay ES Recto… YNEZ: LITO DE GUZMAN, MAKAKALABAS DIN
- BULGAR

- 5 hours ago
- 3 min read
ni Julie Bonifacio @Winner | August 3, 2026

Photo: FB Lito De Guzman & Ynez Veneracion
Naniniwala si Ynez Veneracion na malalampasan ng ex-manager niyang si Lito de Guzman ang pinagdaraanan nito ngayon.
Dinakip si Lito ng National Bureau of Investigation (NBI) agents sa isang entrapment operation sa Manila Hotel.
Sangkot diumano si Lito sa naudlot na planong i-honeytrap si Executive Secretary Ralph Recto, habang may limang babae ang inilagay under protective custody at iniligtas mula sa alleged human trafficking scheme.
“Tingin ko naman, magiging okay din s’ya. Dadaan lang sa tamang proseso,” pahayag ni Ynez nang makausap namin sa Maddox Iconic Runway: Diamond Jewelry Fashion Show na ginanap sa EDSA Shangri-La Hotel last Thursday.
Nagkaroon ng chance si Ynez na makausap si Lito pagkatapos arestuhin ng NBI agents.
Aniya, “Sinabi naman n’ya sa akin, naipit s’ya. Wala raw s’yang kasalanan, ‘yun ang sabi n’yang ganu’n. Pero ‘di ba, lalabas naman ang totoo? Sa lahat naman ng kaso, lumalabas ang totoo, ‘di ba?
“Kung ano ang totoo, ‘yun ang lalabas. Kung may pagbabayaran o wala, kung meron dapat pagbayaran, eh, di pagbayaran.”
Nakausap daw ni Ynez si Lito through a friend.
Kuwento ni Ynez, “Tapos, ibinalita sa akin, nakita raw sa TV. Although, ‘yung shot, blurred naman.
“Pero s’yempre, nakilala ko. Tapos, sabi pa sa akin, ‘Naku, baka ‘di makalabas, ah.’
“Uhm, sabi ko, ‘Dasal na lang tayo. Sana, makalabas.’ Lahat naman ng problema, may solusyon, ‘di ba? Dadaan lang ‘yan, ‘wag tambayan.”
Idinawit ang pangalan ni Ynez sa ilang news online sa pag-aresto kay Lito dahil isa siya sa mga artists na hina-handle dati ng controversial manager.
“Pero ngayon kasi, tinanong ako kung sinu-sino ‘yung mga babae. Lima yata sila, ‘di ko naman sila kilala. Pero nag-aarti-artista na yata sila sa Viva kineme,” tsika ni Ynez.
Plano ni Ynez na dalawin si Lito sa piitan.
“Oo naman, bakit hindi?” reaksiyon ni Ynez.
Paliwanag niya, “S’yempre, may pinagsamahan din naman kami ni Kuya. Kinumusta ko nga agad, eh.
“Minessage ko nga s’ya agad, eh, ‘O, kumusta ka?’ Tinawagan ko. Sabi n’ya, okay naman daw s’ya.
“Natatawagan ko s’ya sa Messenger. O baka trusted na tao ang pinahawakan n’ya ng kanyang phone na nakaantabay sa kanya.”
Samantala, inamin ni Ynez na kinabahan siya sa pagrampa ng mga alahas ni Charo Cordial, ang may-ari ng Maddox Jewelries.
Pag-amin ni Ynez, “First time kong rumampa sa runway. Tapos, ang laki-laki pa ng stage. Kasi, ‘di ba, alam n’yo naman, kumakanta lang tayo, umaarte. So, first time kong rumampa sa isang fashion show. Tapos, diamond jewelries pa ang inirampa namin. O, ‘di ba? Pak!”
Hindi naman daw nagpakabog si Ynez sa mga kasama niyang celebrities sa pagrampa on stage.
“Lahat kami, may sari-sariling style ng pagrampa, ng paglakad, ng pag-pose.
“Just do your best. ‘Yun lang naman ang iniisip ko. Alam ko, lahat naman kami, magaganda. Lahat kami, may style,” sey pa ni Ynez.
Japan invasion ang plano ng walang takot na si Giselle Sanchez. Handa na si Giselle na sakupin ang Japan sa kanyang pinakamalaking international stand-up comedy special na BAD EXAMPLE! (BE!).
Pagkatapos ng ilang dekadang pamamayagpag sa TV, pelikula, teatro, at live shows, dadalhin na ni Giselle ang kanyang matatalim na hirit, nakakagulat na kuwento, at walang takot na pagpapatawa sa harap ng live audience sa Japan.
This will be the biggest Filipino comedy event na magaganap sa ibang bansa.
Ang taping ng BE! ay magaganap sa Higashibetsuin Kaikan Hall sa Nagoya, Japan sa Setyembre 20, 2026, alas-5:00 ng hapon.
At eto ang pasabog, libre ang admission para sa lahat ng NDM PLUS Platinum Members!
Ang espesyal na palabas ay isang NDM Original Comedy Special na hatid ng NDMstudios at mapapanood sa buong mundo, eksklusibo sa NDM PLUS, ang Singapore-based members-only entertainment platform na kilala sa premium films, original productions, celebrity events, at red-carpet exclusives.
Hindi rin basta-basta ang mga utak sa likod ng proyekto. Ang direktor at producer nito ay ang award-winning filmmaker na si Nijel de Mesa.
Samantala, bumubuo naman ng matinding writers’ room ang mga beteranong Bubble Gang (BG) writers na sina Henry Maceda at Ferdie Aguas, kasama sina Patrick Alcantara at Jarvin Pastor ng Pencil Box. Kaya asahan na ang walang humpay na tawanan at mga banat na tatatak sa isip ng audience.
Kung may isang komedyanteng kayang pagsamahin ang katatawanan, katotohanan, at katapangan sa isang entablado, si Giselle na ‘yun!
Sa BE!, ipapakita niyang walang hangganan ang Pinoy humor. Kahit sa international stage, panalo pa rin!
Kaya humanda na dahil kapag nagsimula nang bumira si Giselle Sanchez, baka sumakit ang tiyan mo sa kakatawa. Ang BAD EXAMPLE! ang comedy special na ayaw mong ma-miss!





Comments