Hinihimok ang mga delivery riders na maging self-employed member sa SSS
- BULGAR
- Nov 3, 2021
- 3 min read
ni Fely Ng - @Bulgarific | November 3, 2021

Hello, Bulgarians! Hinikayat ng Social Security System (SSS) ang mga delivery riders sa food delivery at courier activities na maging self-employed member at masakop para sa social security protection para ma-enjoy ang iba’t ibang benefit programs at loan privileges na iniaalok ng pension fund.
Halos 1,000 kalahok ang sumali sa virtual forum na pinamagatang “Proteksiyong SSS Para sa Delivery Riders,” na ginanap noong Oktubre 18, 2021 na isinagawa sa pamamagitan ng SSS Facebook page. Ang online forum ay ang kickoff event para sa serye ng outreach activities para sa mga delivery riders na nagbibigay-serbisyo sa iba’t ibang digital platform companies tulad ng Angkas, Dingdong, foodpanda, Grab, Joyride, Lalamove, atbp.
Sinabi ni SSS President at Chief Executive Officer Aurora Ignacio, na hindi maikakaila, sa maraming industriya, ang digital platform delivery sector ay isa sa pinakamabilis at pinakamalawak na paglago nitong mga nakaraang taon, lalo na sa panahon ng pandemya.
“We have realized that this population comprised of our delivery riders has greatly helped our citizens in purchasing and getting their goods or services without going out of their respective homes. Considering the high risk of their profession by being in the field most of the time, they need a solid protection that in cases of contingencies, they can have something to turn to,” paliwanag ni Ignacio.
Maraming delivery riders ng iba’t ibang kumpanya ng digital platform ang inuri bilang mga independent contractor o freelancer. Dahil dito, hindi sila itinuturing na regular na empleyado ng kumpanya, na nag-disqualify sa kanila mula sa mga benepisyo na karaniwang natatanggap ng mga empleyado sa ilalim ng mga batas sa labor at social security ng bansa.
Binigyang-diin ni Ignacio na, mahalaga na habang ginagawa nila ang kanilang mga aktibidad sa paghahatid, mayroon silang pinansiyal na proteksiyon mula sa anumang hindi inaasahang mga kaganapan o oras ng contingencies. “We encourage them to become SSS members or to continue their membership under the Self-Employed Coverage Program. SSS is the most affordable and meaningful savings option which can provide them with several types of benefits,” dagdag niya.
Sa panahon ng virtual event, higit na tinalakay ang halaga ng Social Security at Employees’ Compensation Programs para sa mga delivery riders. Ipinaliwanag ni Professional Sector Department Acting Head Carlo Villacorta na ang mga delivery riders ay dapat uriin bilang mga self-employed na miyembro sa ilalim ng SSS upang magkaroon ng pinakamabisang proteksiyon sa pananalapi laban sa mga panganib na dala ng patuloy na pagkakalantad sa iba’t ibang elemento, lalo na sa virus.
Bilang mga self-employed na miyembro ng SSS, sila ay karapat-dapat sa mga benepisyo sa social security tulad ng sickness, maternity, retirement, disability, funeral, at death.
Gayundin, sa mga programa na kinabibilangan ng salary, calamity, educational assistance at iba pa.
Magkakaroon din sila ng karagdagang coverage mula sa Employees’ Compensation (EC) Program para sa mga work-related contingencies tulad ng sickness, disability, death and funeral, medical and rehabilitation services. Ang ECP ay nagbibigay sa kanila at sa kanilang mga dependent ng extra layer na proteksiyon mula sa mga contingencies na nauugnay sa trabaho, bukod sa kanilang SSS coverage.
Ang deadline para sa pagbabayad ng kontribusyon sa SSS ng mga self-employed na miyembro ay sa huling araw ng buwan kasunod ng naaangkop na buwan o calendar quarter.
Halimbawa, maaaring bayaran ng mga delivery riders ang kanilang kontribusyon para sa buwan ng Oktubre 2021 hanggang Nobyembre 30, 2021, kung pipiliin nilang bayaran ang kanilang mga kontribusyon sa SSS buwan-buwan. Sa kabilang banda, kung nais nilang bayaran ang kanilang mga kontribusyon sa SSS kada quarter, para sa mga naaangkop na buwan ng Oktubre, Nobyembre, at Disyembre 2021 maaari nilang bayaran ang kanilang mga kontribusyon hanggang Enero 31, 2022.
Para sa tamang impormasyon at update sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at sundan ang SSS sa Facebook at YouTube sa “Philippine Social Security System,” Instagram sa “mysssph,” Twitter at “PHLSSS,” sumali sa Viber Community nito sa “MYSSSPH Updates,” o bisitahin ang uSSSapTayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph/
Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.





Comments