Hinete ni Sandigan kondisyon sa Turf
- BULGAR
- Aug 2, 2023
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | August 02, 2023
Nakapokus sa paghahanda ang trainer at hinete ni Sandigan para sa nalalapit na laban sa 2023 PHILRACOM "3-Year-old Sprint Race na pakakawalan sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas sa darating na Linggo.
Dahil sa mahuhusay ang mga kalahok ay inaasahang daraan sa butas ng karayom si Sandigan bago masikwat ang panalo kontra limang tigasing kabayo sa distansiyang 1,000 meter race.
Rerendahan ni star jockey Jeffril Tagulao Zarate, makakatagisan ng bilis ni Sandigan sina Boat Buying, Badboy MJ, Light Bearer, Borrowed Heaven at Deus Ex Machina.
Ikakalat sa unang apat na kabayong tatawid sa meta ang nakalaan na P1.5M guaranteed prize kung saan ay suportado ito ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM).
Hahamigin ng mananalong kabayo ang P900,000, mapupunta ang P337,500 sa second placer habang tig- P187,500 at P75,000 ang third at fourth ayon sa pagkakasunod.
Komento ng mga karerista sa social media na posibleng magbigay ng magandang laban ang Light Bearer at Boat Buying dahil kilala rin sila na mabibilis sa arangkadahan.
Ibubulsa naman ng breeder ng winning horse ang P75,000 habang tig-P45,000 at P30,000 ang second at third.
Sina Isaac Ace Aguila at Kelvin Abobo ang sasakay sa Light Bearer at Boat Buying ayon sa pagkakahilera.
Maliban sa nabanggit na karera, inaasahang may mga stakes races pa ang ilalarga kaya tiyak na masisiyahan ang mga karerista sa kanilang paglilibang.





Comments