Hindi uso ang panic-buying sa mahihirap na Pinoy
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | August 03, 2021
PALPAK NA NAMAN ANG GOV’T. KASI MAGLA-LOCKDOWN NANG WALANG AYUDA—Matapos aprubahan ni P-Duterte ang rekomendasyon ng IATF (Inter-Agency Task Force) na isailalim sa ECQ (Enhanced Community Quarantine) ang Metro Manila mula Agosto 6-20, 2021, sinabi ni Presidential spokesman Harry Roque na may ibibigay namang P1, 000 ayuda sa bawat maapektuhan ng lockdown, pero hindi agad ito maibibigay kasi naghahanap pa ang pamahalaan ng pang-ayuda.
Sa isyung ‘yan, kita ang kapalpakan ng gobyerno kasi magla-lockdown sila nang walang ibinibigay na ayuda sa mamamayan. Boom!
◘◘◘
WALANG PANIC-BUYING SA MAHIHIRAP KASI WALANG AYUDANG IBINIBIGAY SA KANILA PARA PAMBILI NG PAGKAIN—Insulto sa mahihirap nating kababayan ang sinabi ni Roque na huwag mag-panic-buying ang mga residente ng Metro Manila kaugnay sa ipatutupad na lockdown.
Insulto kasi paanong magpapa-panic buying, eh, wala namang naibibigay na ayuda ang pamahalaan, period!
◘◘◘
MANG-AABUSONG PARAK SA CHECKPOINT, MALILINTIKAN KAY GEN. ELEAZAR—Ngayong inumpisahan na ng mga pulis ang pagbabantay sa mga border ng Metro Manila kaugnay sa ipatutupad na lockdown ngayong August 6-20, 2021, ang tagubilin ni PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar sa mga parak na magmamando ng checkpoint ay maging magalang sa lahat ng oras at respetuhin ang karapatan ng mamamayan, at ang mga quarantine violators ay paalalahanan, hulihin at kasuhan kung kinakailangan, pero huwag hiyain at saktan dahil hindi kasama sa kanilang tungkulin ang manghiya at manakit.
Malinaw ang warning ni Gen. Eleazar kaya’t asahan, na ang sinumang mang-a-abusong parak sa checkpoint, malilintikan sa PNP chief, period!





Comments