Hindi talaga maitumba ang mga dekalibreng team

ni Anthony E. Servinio - @Sports | February 14, 2021

Kahit nakalugmok sa pinakailalim ng buong NBA, ginagalingan ng Detroit Pistons at ginulat nila sa ikalawang tsansa ang Boston Celtics, 108-102, sa aksyon kahapon mula sa TD Garden. Nagpakilala si rookie Saddiq Bey at ipinasok ang tres para sa 101-95 na lamang at nagpakatatag ang Pistons sa pitong free throw sa huling 30 segundo at umakyat sa 7-19.
Nanguna si Bey na may 30 puntos, sinundan ni Delon Wright sa 22 puntos. Maliban sa dalawang panalo sa Celtics (13-12), kabilang sa naging biktima ng Pistons ang Lakers (20-6) at ang Miami Heat (11-14), Philadelphia 76ers (18-8), Brooklyn Nets (15-12) at Phoenix Suns (15-9).
Pinalamang ng Lakers ang bisitang Memphis Grizzlies, 22-2, subalit mula doon ay unti-unti silang lumapit at nakamit ang 115-105 na panalo. Hindi sumuko sina Anthony Davis at LeBron James at binuhay nila ang Lakers (21-6) sa kanilang 35 at 28 puntos.
Samantala, patuloy ang pag-upo ng Utah Jazz sa tuktok ng buong liga at tinalo ang bisitang Milwaukee Bucks, 129-115. Nagsumite ng double-double si Rudy Gobert na 27 puntos at nakatulong sina Joe Ingles sa 27 puntos, Donovan Mitchell, 26 at Pinoy pride Jordan Clarkson, 25.
Gumawa ng hakbang para makahabol ang Clippers sa liderato ng WestCon at tinalo ang Chicago Bulls, 125-106. Nagtrabaho si Kawhi Leonard para sa kanyang 33 puntos at nagdagdag ng 20 si Marcus Morris Sr. para sa 19-8.
Maganda ang simula ng San Antonio Spurs at pinabagsak ang Atlanta Hawks, 125-114, ang una sa pitong laro ng dalawang linggong lakbay. Namuno para sa Spurs (15-11) si DeMar DeRozan na may 23 puntos at Keldon Johnson na may 20 puntos.
Pinalasap naman ng Dallas Mavericks (13-14) sa Pelicans (11-14) ang isa pang pagkabigo, 143-130, kung saan nakalimutan ng dalawang panig ang depensa. Nagtala ng 46 puntos at 12 assist si Luka Doncic.
Umalagwa ang Charlotte Hornets sa huling limang minuto upang patahimikin ang Minnesota Timberwolves, 120-114, sa likod ng husay nina Terry Rozier at Gordon Haywood. Pumutok para sa 41 puntos buhat sa anim na tres si Rozier. Lumayo ang New York Knicks kontra sa Washington Wizards, 119-101.





Comments