Hindi sapat na ipa-deport lang, dapat kasuhan at ipakulong sa bilibid si Michael Yang!
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | October 12, 2021
MGA NEGOSYANTE, ABOGADO AT DOKTOR, SANIB-PUWERSA VS. NANINDIKATO SA KABAN NG BAYAN—Matapos magpahayag ng suporta ang mga asosasyon ng negosyante na kinabibilangan ng Makati Business Club (MBC) at mga abogadong kasapi ng IBP (Integrated Bar of the Philippines (IBP) ay nagpahayag na rin ng suporta ang Philippine College of Physicians at iba pang asosasyon ng mga doktor sa isinasagawang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Sen. Richard Gordon tungkol sa nabulgar na P13-B pera ng bayan na in-scam ng PS-DBM (Procurement Service-Department of Budget and Management) at Pharmally Corp. na pag-aari ng mga wanted sa Taiwan sa kasong fraud na may konek kay Yang Hong Ming, aka Michael Yang na BFF ni P-Duterte.
Malamang, nawiwindang na ang Malacañang sa isyung ‘to kasi nagsasanib-puwersa na ang mga negosyante, abogado at doktor sa pagsuporta sa komite ni Gordon para mapanagot sa batas ang mga nanindikato sa kaban ng bayan sa gitna ng pandemya, period!
◘◘◘
MGA TAGA-PS-DBM AT PHARMALLY, GINAWANG APOR PARA DEKWATIN ANG KABAN NG BAYAN—Sa pag-iimbestiga ng Senate Blue Ribbon Committee ay natuklasan na ang pang-i-scam na isinagawa ng PS-DBM at Pharmally Corp. sa kaban ng bayan ay nag-umpissa last year sa panahon nagpapairal ng mahigpit na lockdown ang Duterte gov’t.
Kung inyong maaalala, sa panahong ipinaiiral ang mahigpit na lockdown last year ay talagang pinagbabawalang lumabas ang mga tao, at ang tanging pinapayagan lang na lumabas ng bahay ay ang mga APOR (Authorized Person Outside Residence).
Dahil d’yan, lumalabas na ito palang mga taga-PS-DBM at Pharmally Corp. ay binigyan ng permiso ng Duterte na gawing maging APOR para ma-scam ang pera ng bayan, mga buwisit!
◘◘◘
KAPAG OPOSISYON ANG NAGING PANGULO, SWAK SA BILIBID ANG MGA TAGA-PHARMALLY—Sa dami ng pera ng bayan na nadekwat ng Pharmally Corp. ay may posibilidad na gumastos ito nang todo para makatulong na maipanalo sa 2022 Presidential election ang manok ni P-Duterte.
Kapag manok ni P-Duterte ang nanalong pangulo, ‘ika nga ay para silang nakasandal sa pader, at patunay d’yan ay ‘yung pag-aabogado, pagtatanggol sa kanila ng pangulo ng Pilipinas.
Pero kapag oposisyon ang nanalo, asahan nang hindi na magagamit ng mga taga-Pharmally Corp. ang binili nilang sports cars kasi tiyak na sa Bilibid ang kanilang bagsak, boom!
◘◘◘
MICHAEL YANG, HUWAG LANG BASTA I-DEPORT, DAPAT KASUHAN AT IKULONG SA BILIBID—May mungkahi si Sen. Gordon na dapat ipa-deport sa China si Michael Yang, BFF ni P-Duterte dahil sa dami ng kawalanghiyaang ginawa nito sa Pilipinas.
Panawagan kay Sen. Gordon ay huwag lang deport, dapat sampahan ng kaso si Michael Yang at ikulong sa Bilibid para matala naman sa kasaysayan ng Pilipinas na may powerful na Chinese sa bansa, na BFF ng pangulo ang nahoyo sa Bilibid, period!





Comments