Hindi raw buntis, may COVID… IBINUKING NI CRISTY: AJ, 3 BESES NAG-TEST, LAHAT NEGATIVE
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters! | July 23, 2022

Ipinagdidiinan ni AJ Raval na hindi siya buntis at ipinagmamatigasang may COVID-19 siya kaya nahinto ang shooting ng pelikulang ginagawa niya sa Viva Films na idinidirek ni Roman Perez, Jr., ang Sitio Diablo.
Sa mediacon nu'ng Huwebes nang gabi ng bagong Viva Films movie na mapapanood sa Vivamax sa July 31, ang Huwag Mong Agawin ang Akin na ginanap sa Botejyu Estancia ay nakausap namin ang manager ni AJ na si Jojo Veloso at sinabi nga nitong maysakit ang alaga at nasa hospital dahil sa COVID.
Sa darating na linggo ay magpapa-interview na si AJ para malinawan na ang isyung nagdadalantao siya.
Sinagot naman ni ‘Nay Cristy Fermin sa radio program nila ni Romel Chika na Cristy Ferminute kahapon nang 1 PM sa Radyo5 92.3 News FM ang cryptic FB post ng ina ni AJ na si Ginang Alyssa Alvarez.
Aniya, “Mabuhay po tayo na mapayapa na walang pakialam sa buhay ng iba. Linisin ko muna itong FB ko, mukhang bibisitahin na naman ng mga Marites, palit DP. Kelangan maganda ako.
“Tapos Iinglisin ko na mga post ko. Wait nga. Open ko na rin ang Messenger ko para maaway n’yo ko kase baka 'di naman makatulog mga taong ‘to.”
Ang bungad ni ‘Nay Cristy, “Lagi naming sinasabi na may karapatan ang mga artista na mag-deny pero mas kahanga-hanga kapag tinanggap at inamin. Magulo ang sitwasyon, sabi po niya (AJ), nag-positive siya sa COVID-19.”
Tanong ni ‘Nay Cristy kay Romel, "Hindi nag-positive sa pregnancy test? Haha!"
Patuloy ng host at manunulat, “So nag-positive raw po siya sa COVID at hindi sa pregnancy test.
“Heto naman po ang nagpagulo sa sitwasyon. Nag-imbestiga po kami sa shooting sa produksiyon mismo ng pelikula na iniwan muna nitong si AJ Raval.
“Paano kaya niya sasagutin na tatlong beses siyang nagpa-antigen test (at) puro negative.
Una, pag-alis, sumunod na pag-alis at ikatlong pag-alis na negatibo siya sa antigen test. So, kung negatibo ka sa antigen test, wala kang COVID?
“Nagkakagulo po dahil kahit ang kanyang mga kasamahan sa produksiyon ay hindi malaman kung kailan sila babalik. Ang sabi, may last 2 days pa raw itong si AJ para kumpletuhin ‘yung pelikula.
“Pero umaalis nga siya, tatlong beses siyang umaalis at sa tuwing babalik siya, ina-antigen silang lahat pati itong si AJ at negative ang resulta kaya sila (production) nagtataka kung paano niya nasabing positive siya sa COVID-19?"
Hirit ni Romel, “Hindi magkakatugma ang kuwento, ‘Nay, ah? Mahuhuli rin natin sila sa kanilang mga kuwento na magkakasalungat.”
“Salungat nga, eh. Sabi ko nga, 'pag sa korte, 'pag nag-direct cross examine, huli kaagad, eh,” tugon naman ni ‘Nay Cristy.
Samantala, napanood din daw ng CFM at Showbiz Now Na host ang sinabi ng ama ni AJ na si Jeric Raval na, “Kapag nasa showbiz ka, artista ka, dapat talaga, matibay ang dibdib mo at kailangan talaga, mahabang pang-unawa."
"Matagal at ilang dekada nang artista si Jeric Raval na mahal ko at mahal mo dahil kahit kailan, hindi ako ginawan ng palso ng taong ito.
“Pero umeksena itong nanay ni AJ, si Alyssa Alvarez, ‘yung tunay na ina ito ni AJ.
“Ito lang po ang gusto naming iparating sa inyo, una, hindi po kami galit kay AJ. Mahal namin ang kanyang ama at kapag mahal namin ang tatay o magulang, may extension po 'yung pagmamahal sa anak.
“Kayo (Alyssa) po ay hindi pa namin nakikilala nang personal pero dapat, lalo na nu’ng panahon ng bardagulan ni AJ at saka ng mga fans ni Kylie (Padilla), dapat po ay alam ninyo kapag nasalang na sa ganito si AJ ay dahil public figure siya.
“Ako rin po siguro, kung may anak akong babae bukod kay Bulak, talagang magagalit din siguro ako kapag alam ko naman na hindi nagdadalantao ang anak ko pero ang laman ng mga pahayagan ay nagdadalantao siya, tama po ‘yun.
“Hindi po kapitbahay ang susuporta sa anak n’yo kundi kayo, pero pakitanggal po ‘yung ‘Huwag pakialaman ang buhay ng iba' dahil hindi ninyo pa diniretso na 'Huwag pakialaman ang buhay ng anak n’yo,' dapat ganu’n.
“Alam n’yo po, hindi puwedeng hindi pakialaman ng mga bashers maging ng mga manunulat, maging ng mga ganitong programa ang buhay ni AJ.
“Kung aalisin n’yo po siya sa pag-aartista at pribado na siya, may karapatan po kayong magalit. Pero ngayon po, public figure si AJ. Binuksan po niya ang pintuan ng kanyang buhay para pasukin ng publiko.
“Sabay po nating pangaralan si AJ, sabay nating bigyan ng magandang pag-alalay itong si AJ.
Pakisabihan din po ang anak ninyo na huwag siyang magbibilad-bilad ng kanyang katawan na halos ipakita na ang pinakasisikreto niyang bahagi para hindi siya bina-bash.
“Pangalawa, alam naman po natin na hindi pa naman pinawawalang-bisa ang kasal ni Aljur (Abrenica) at ni Kylie (Padilla). Alam n’yo po na magiging magulo ang sitwasyon,” mahabang panawagan ni ‘Nay Cristy sa biological mother ng sexy star.
Anyway, waiting pa rin kami sa panig ni AJ Raval o ng kampo niya rito sa BULGAR.





Comments