top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Hindi puwede ang puwede na, dapat da best na bakuna para sa mga Pinoy!

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 3, 2021
2 min read

Updated: Jan 9, 2021

ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | January 3, 2021



Isang magandang balita ang pagkakaloob ng World Health Organization (WHO) ng “emergency validation” sa Pfizer-BioNTech vaccine.


Maaari kasi nitong pabilisin ang pag-aangkat at distribusyon ng bakuna sa iba’t ibang bansa, kasama na ang Pilipinas.


Makatutulong din ito sa ebalwasyon na ginagawa ng ating mga eksperto, ayon sa Department of Health.


Matatandaang nagsumite na ang Pfizer ng aplikasyon nito sa Food and Drug Administration para sa “emergency use authorization” ng bakuna nito. Pinapabilis ang pag-apruba sa ilalim ng prosesong ito.


☻☻☻


Ngunit bago natapos ang 2020 ay ginulantang tayo na may mga taong nagpaturok na ng hindi aprubadong bakuna ng FDA sa ating bansa.


Maraming tanong ang kailangang sagutin ng Presidential Security Group (PSG) na nagsabing Setyembre pa noong nagpaturok ang ilang miyembro nila ng nasabing bakuna.


Saan galing ang bakuna? Paano ito nakarating sa ating bansa? May monitoring at ebalwasyon ba ng posibleng side effects ng bakuna? Ang mga miyembro ba ng PSG ay kusang loob na nagpaturok, o napilitang sundin ang utos ng mga nakatataas? Maituturing bang kasama sila sa clinical trials ng nasabing bakuna?


Ito ay ilan lamang sa mga tanong na dapat sagutin ng mga awtoridad.


At malalaman natin kung ang FDA at DOH, bilang mga ahensiya na nangangalaga ng kalusugan ng ating mga kababayan ay may ngipin upang ipatupad ang mga batas laban sa iligal na gawaing ito.


☻☻☻


Binibigyan tayo ng pag-asa ng mga na-develop nang mga bakuna laban sa COVID-19. Ngunit kailangang tandaan natin na patuloy pa rin itong pinag-aaralan ng mga eksperto, lalo na pagdating sa bisa nito.


Malaki rin ang risk, lalo na sa mga side effect, kung kaya’t masusi ang pag-aaral, ebalwasyon, at approval ng mga gamot at bakuna.


Nakakalungkot na dumating tayo sa punto na kailangang gumamit ng ilegal at hindi aprubadong bakuna upang pangalagaan ang ating mga sarili at mga nasa paligid.


Maaaring imbes na makatulong ay binubuksan natin ang ating mga sarili sa mga hindi inaasahang epekto.


Hindi puwede ang puwede na o ok lang. We have the right to get the best, because we deserve it.


☻☻☻


Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.


Malalagpasan din natin ito.


Be Safe. Be Well. Be Nice! ☻

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US!  Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page