Hindi pagsusuot ng facemask ng mga ‘fully vaccinated’ vs. COVID, pag-aralan!
ni Ryan Sison - @Boses | May 30, 2021
Habang tuluy-tuloy ang vaccination program sa bansa kontra COVID-19, marami tayong mga kababayan na nagnanais na maibalik sa normal ang ating pamumuhay.
Dahil unti-unti na ring nagluluwag ang quarantine restrictions sa iba’t ibang panig ng bansa, gayundin, mas marami nang aktibidad ang pinapayagan, hindi nawawalan ng pag-asa ang taumbayan na maging “back to normal” ang lahat.
Kabilang na ang panukala na payagan nang huwag mag-facemask ang mga indibidwal na “fully vaccinated” kontra COVID-19.
Ayon sa Department of Health (DOH), patuloy silang nag-aaral upang makita kung uubra ang naturang rekomendasyon sa mga ‘bubbles’ o tukoy na lugar na mababa ang impeksiyon.
Ngunit paliwanag ng ahensiya, hindi lamang ang pagiging fully vaccinated ang magiging batayan kung sakaling papayagan ito dahil tinitingnan din ang mga numero ng mga kaso at antas ng healthcare facilities sa isang lugar.
Dagdag pa ng DOH, kahit higit isang milyon na ang nakakumpleto ng bakuna sa bansa, maliit pa rin ito kumpara sa 110 milyong populasyon sa bansa.
Kung tutuusin, wala namang masama kung magluwag pa ng restriksiyon, pero sa totoo lang, napakarami pang dapat ikonsidera at pag-aralan kung sakaling maipatutupad ang panukalang ito.
Kung sa ibang bansa ay pinapayagan na ang mga taong nakakumpleto na ng bakuna na hindi magsuot ng facemasks sa ilang mga pagkakataon at kondisyon, hindi dapat ikumpara ang kondisyon ng Pilipinas dahil magkakaiba ang COVID-19 response sa bawat bansa.
Kaya naman, panawagan sa mga kinauukulan, pag-aralang mabuti ang mga susunod na hakbang. Hindi ‘yung sige lang tayo nang sige sa pagpapatupad, tapos ending, panibagong problema pa pala. Kumbaga, ‘wag nating madaliin ang mga ganitong bagay dahil alam natin kung gaano kahalaga ang paggamit ng facemask sa panahon ng pandemya.
Tandaan na ang bawat hakbang na ating ginagawa ay may malaking epekto sa sitwasyon ng ating bansa, kaya utang na loob, mag-isip-isip muna para iwas sa panibagong problema.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments