Hindi naging “solemn” ang 143rd birthday ni Quezon, naging entablado lang ng mga pulitiko
ni Ka Ambo - @Bistado | August 21, 2021
Buwan ng Pambansang Wika ngayon.
Buwan din ng mga bayani.
Isang karangalan na sa buwang din ito isinilang ang inyong abang-lingkod!
◘◘◘
NATUTUWA tayo dahil ginunita ng lalawigan ng Quezon ang ika-143 taon ni dating Pangulong Manuel L. Quezon, ang itinuturing na Ama ng Wikang Pambansa noong Agosto 19.
Pero, imbes na palutangin ang kadakilaan ng dating Pangulo, nagmiting-de-abanse ang mga opisyal ng lalawigan sa harap ng dambana nito!
◘◘◘
IDINIPENSA ni Gov. Danilo Suarez ang pagkakabinbin ng 2021 Annual Budget sa pagbatikos sa kanyang mga kalaban sa politika.
“Halos araw- araw na lamang ay ito ang tinatalakay ng mga tagapagsalita ng kapitolyo sa media, pati ba naman sa selebrasyon ng Quezon Day ay ito pa rin ang tatalakayin”, patutsada ng ng isang kawani ng kapitolyo.
◘◘◘
NAG-REINFORCEMENT pa si Presidential Spokesperson Harry Roque sa pagkoro sa pagbatikos sa mga kritiko ng gobernador.
Hindi naging “solemn” ang 143rd birthday ni Quezon, bagkus ay naging entablado ito ng mga pulitikong orador.
◘◘◘
PINALAKPAKAN naman ng mga piling panauhin ang mga talumpating pampulitika tulad ng SOLCOM commander na si Lt. Gen. Bartolome Bacarro.
Sinaksihan din ito ng mga lider ng iba’t ibang sektor!
◘◘◘
KUNG nabubuhay lang si Quezon, baka nakatanggap ng mag-asawang sampal ang mga manunulampati dahil hindi naman siya pinarangalan, bagkus ay binastos pa ang kanyang dambana.
Kunsabagay, hindi lang ang mga pulitikong pulpol ang bumabastos kay Quezon, bagkus ay maging ang mga iskolar ng wika na hindi magkasundo kung ano ang gagamiting ispeling sa pangalan ng bansa: Pilipinas ba o Filipinas?
◘◘◘
SA bawat henerasyon ay naghuhunos ang wika, ito ay hindi dogma na may iisang anyo o porma sa paglipas ng panahon.
Ang mga lengguwahe ay tulad din ng COVID-19, habang tumatagal, nagkakaroon ito ng kakaibang anyo na malayo sa orihinal!
◘◘◘
HINDI dapat nagdidikta ang mga iskolar kung alin at tama, bagkus sila ay dapat nagkakasya lamang sa pagpapaunawa at pagpapaliwanag kung bakit nabago ang ispeling o “variant”.
Ang mga kataga, wika o lengguwahe ay maikukumpara sa malawak na karagatan ng mga letra, himig, tunog at hikbi mula sa bayo, diin o hinga ng dila at lalamunan ng sibilisasyong gumagamit nito!
◘◘◘
MADIDIKTAHAN ba ang daloy ng karagatan?
Hindi, bagkus ay uunawain lang natin at ipapaliwanag kung bakit matalim ang hampas ng alon sa mga dalampasigan ng bato, buhangin at putik.
Ang lengguwahe ang magdidikta sa ating henerasyon, hindi ang tao ang magdidikta sa wika!





Comments