Hindi nagamit na bakasyon ng kasambahay
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | August 17, 2022
Dear Chief Acosta,
Nagtrabaho ako bilang kasambahay at binigyan ako ng limang araw na bakasyon (leave) bawat taon ng aking amo. Hindi ko ginamit ang nasabing bakasyon sa pag-aakalang papalitan ito ng aking amo ng pera, ngunit hindi niya ginawa. Alinsunod ba sa batas kung pipilitin ko ang aking amo na palitan ng pera ang aking bakasyon? - Edhna
Dear Edhna,
Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Republic Act No 10361 o mas kilala sa tawag na “Domestic Workers Act” o “Batas Kasambahay”, kung saan nakasaad na:
“SEC. 11. Employment Contract. – An employment contract shall be executed by and between the domestic worker and the employer before the commencement of the service in a language or dialect understood by both the domestic worker and the employer. The domestic worker shall be provided a copy of the duly signed employment contract which must include the following:
xxx
(f) Rest days and allowable leaves;
xxx
SEC. 29. Leave Benefits. – A domestic worker who has rendered at least one (1) year if service shall be entitled to an annual service incentive leave of five (5) days with pay; Provided, That any unused portion of said annual leave shall not be cumulative or carried over to the succeeding years. Unused leaves shall not be convertible to cash.” (Binigyang-diin)
Malinaw na nakasaad sa batas ang karapatan ng mga kasambahay na magkaroon ng bakasyon o leave. Kapag naka-isang taon nang pagtatrabaho, ang kasambahay ay nararapat bigyan ng limang araw na bayad na bakasyon kada taon na tinatawag na service incentive leave (SIL). Gayunman, ang nasabing SIL ay dapat gamitin kada taon dahil hindi ito maaaring ipunin o gamitin sa susunod na taon. Hindi rin ito maaaring perahin o i-convert sa cash alinsunod sa batas.
Kaya naman, sa iyong sitwasyon, ang mga hindi mo nagamit na mga bakasyon (leave) ay hindi maaaring mapalitan ng pera. Hindi mo mapipilit ang iyong amo na palitan ng pera ang iyong bakasyon dahil hindi ito naaayon sa batas.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments