Hindi na rin safe ang pera sa ATM
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | January 31, 2022
Naglabas ng babala ang pamunuan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at nag-abisong dapat maging mapanuri upang hindi mabiktima ng naglipanang pekeng pera dahil maging ang mga automated teller machines (ATM) sa bansa ay naglalabas na nito.
Sa unang tingin ay mabuting nabigyan tayo ng babala ng BSP para nga makapag-ingat, ngunit sa kabilang banda ay makararamdam na ng pangamba ang aabutin ng babalang ito dahil ultimong ang pinagkakatiwalaang ATM na inaasahan ng marami ay naglalabas na rin ng pekeng pera.
Saan pa ba dapat magtungo ang ating mga kababayan upang makagalaw ng ligtas at walang nararamdamang pangamba, partikular ang mga manggagawang hindi naman marami ang nakatagong pera at kamakailan lamang ay napakarami na naman ang nawalan ng pera sa sarili nilang bank account.
Ang masaklap, sa kabila ng sunud-sunod na alingasngas na kinasasangkutan ng mga bangko ay may mga insidente na ang mga depositors na nawalan ng pera ay hindi agad naibabalik ang nawalang pera at may mga insidenteng hindi na talaga maibabalik ang nawala nilang ipon.
Ngayon heto ang BSP at tahasang sinasabi na dapat maging mapanuri umano ang publiko sa pera na lumalabas sa mga ATM sa pamamagitan ng ‘feel, look, tilt’ approach para hindi umano malusutan ng pekeng pera.
Kung sakali umanong may nakuhang pekeng pera sa ATM, dapat abisuhan agad ang mismong bangko na siyang nagmamay-ari ng ATM, kung saan nag-withdraw upang agad umanong maaksiyunan.
Hindi naman naglabas ng solidong panuntunan ang BSP kung paano ito ireresolba maliban sa agad itong iimbestigahan at kapag napatunayan umano na ang pekeng pera ay galing sa kanilang ATM ay inoobliga ang bangko na palitan ito ng tunay.
Sa puntong ito, tila wala na namang kasiguruhan sa panig ng mga kustomer na mapalitan agad ng tunay na pera ang nakuha nilang pekeng pera sa ATM dahil dadaan pa sa kung anu-anong proseso na lubha namang kailangan gawin ng bangko.
Mabuti kung mangyayari ang insidente na lumabas ang pekeng pera sa ATM na banking hours dahil posibleng mabigyan agad ng aksiyon, ngunit paano kung ang nag-withdraw ay nakaalis na at sa bahay na niyang nalamang peke pala ang nakuha niyang pera sa ATM?
Para tayong humihila ng barko sa dalampasigan sa sobrang hirap na mapatunayang ang pekeng ibinabalik sa bangko ay galing mismo sa kanilang ATM at paano kung isa o dalawang piraso lang ng P500 ang naihalong peke, ilang panahon ba ang kailangang sayangin para ito ay mapalitan.
Malaking tanong din kung halimbawa, hatinggabi nag-withdraw ng pera ang kustomer sa ATM na matapos bilangin ay agad nang umalis at nagtungo sa restaurant para kumain, posibleng sa kulungan pa bumagsak sakaling matukoy ng restaurant na peke ang ibinayad na pera.
Maganda ang babala ng BSP na ‘feel, look, tilt’ approach dahil marami na ngayon ang gumagawa nito sa harap mismo ng ATM bago umalis, ngunit nagdudulot ito nang pagbagal at paghaba ng pila kahit hindi naman panahon ng suweldo.
Delikado rin na sa harap mismo o sa hindi kalayuan sa ATM magsusuri ng pera ang nag-withdraw dahil kahit nakatalikod ay mararamdaman ng masasamang loob na mas matagal magsuri ay mas malaking halaga ang kinuha sa ATM.
Totoong may kinahaharap na problema sa pekeng pera ang ating mga bangko dahil simula nang mag-anunsiyo ng babala ang BSP ay nakatatanggap na tayo ng sumbong na may pagbagal na rin sa pagdedeposito sa mga bangko dahil inisa-isa na ng bank teller ang ipinapasok na pera.
Kung dati-rati ay sa counting machine lang idinaraan ang bundle ng pera ngayon ay manu-mano itong tinitingnan kaya kung may naunang nagdeposito ng kalahating milyong cash ay walang magagawa ang kasunod kung hindi ang magdusa sa paghihintay.
Alam n’yo ba na simula Enero 2021 hanggang Setyembre 2021, ang BSP ay nakakuha ng mahigit sa 500 pekeng pera na aabot sa halagang P480,000 at sa loob ng pito nilang operasyon ay nakahuli sila ng labing-anim na salarin at labing-apat sa mga ito ay kaanib ng sindikato.
Mananagot sa ilalim ng Republic Act No. 10951 ang sinumang mahuhuling namemeke ng pera at mahaharap sa pagkakakulong ng 12-taon at multang hindi lalagpas sa P2-M.
May tagubilin naman ang BSP, dapat umano’y siguruhing maayos at mataas ang resolusyon ng mga nakakabit na CCTV camera at tiyaking ang mga cash handlers at service providers na nagre-refill ng pera sa ATM ay may kasanayan sa pagtukoy sa pekeng pera.
Pero kahit anong husay o eksperto pa sa pagtukoy ng pekeng pera ang mga nagre-refill ng pera sa ATM, ngunit hindi naman sila mapagkakatiwalaan ay hindi malayong maulit nang maulit na may lalabas na pekeng pera sa ATM.
Tama ang babala ng BSP para makapag-ingat ang publiko, ngunit hindi ito nangangahulugang dapat iasa sa publiko ang lahat dahil malaki ang pananagutan ng Bangko na dapat hindi umiiral ang ganitong pangyayari.
Kaya nga naglalagak ng pera sa bangko ang mga tao para maingatan ang kanilang pinaghirapan at hindi para maglaho na lamang na parang bula dahil sa kapabayaan o kakulangan talaga ng kakayahang mag-ingat ng ilang bangko na dapat hindi na tinatangkilik!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments