Search
  • BULGAR

Hindi makataong pagpaparusa sa quarantine violators, imbestigahan!

ni Ryan Sison - @Boses | April 07, 2021



Kani-kanyang diskarte ang mga awtoridad para madisiplina at matiyak na hindi na muling lalabag sa protocols ang mga quarantine violators.


May mga pinagko-community service, tinitiketan at kung anu-ano pa. Pero paano kung ang itinuturing nating paraan ng pagdidisiplina ay magdudulot pala ng panibagong problema?


Kaugnay nito, viral ang isang quarantine violator sa General Trias City, kung saan pinaniniwalaang ang parusang 300 beses na pag-pumping ang sanhi ng pagkamatay nito.


Bukod sa netizens, umalma rin ang mga residente ng lalawigan laban sa Gen. Trias City Police hinggil sa umano’y maling pagpaparusa ng mga ito sa biktima.


Gayunman, ayon sa pamilya ng biktima, lumabas lamang ito para bumili ng inuming tubig at nang mahuli, dinala ito sa Malabon General Trias Station kasama ang iba pang mga nahuli at doon pinag-pumping ng 100 beses. Ngunit gusto umano ng mga pulis na sabay-sabay ang pag-pumping, kaya umabot sa 300 ang bilang nang walang pahinga at pinalipas ang magdamag bago sila pinauwi.


Nang makauwi ang biktima, halos hindi na ito makalakad at dumaraing sa hirap. Naikuwento pa umano nito ang nangyari at sinabing ilang beses na siyang natumba habang pinagpa-pumping, pero hindi siya pinagpahinga at pinilit pa ring ipagpatuloy ang parusa.


Samantala, pinaiimbestigahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pagkamatay ng quarantine violator, kaya nakikipag-ugnayan na ang ahensiya Philippine National Police (PNP) at lokal na pamahalaan ng General Trias hinggil sa insidente.


Sa totoo lang, nakakaalarma na umabot sa kamatayan ang pagbibigay-disiplina sa isa nating kababayan.


Kaya panawagan sa mga awtoridad, tiyaking walang nalalabag na karapatang-pantao kung gusto nating magdisiplina ng ating mga kababayan.


Kung may paglabag, disiplinahin o parusahan nang tama dahil walang maidudulot na mabuti ang pagpapahirap sa quarantine violators.


At pakiusap sa mga kinauukulan, imbestigahang mabuti ang insidenteng ito at panagutin ang dapat managot. Isa pa, hindi dapat maulit ang ganitong insidente dahil magdudulot lamang ito ng takot sa publiko.


Kayong mga alagad ng batas, kumilos kayo nang tama dahil kayo ang inaasahang magpapatupad ng kaayusan at kapayapaan sa lahat ng pagkakataon.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.