Hindi maipapawalang-bisa ang probisyon ng testamento dahil lang sa maling pagsusulat ng pangalan
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | September 16, 2022
Dear Chief Acosta,
May iniwan huling habilin o testamento ang aking tiyahin, subalit nagkamali sa isang letra ng pangalan ko ang kanyang nailagay dito. Sabi ng aking mga pinsan ay wala na diumanong bisa ang huling habilin na ito. Tama ba sila? - Karla
Dear Karla,
Para sa iyong kaalaman, nakasaad sa Seksyon 844 ng New Civil Code of the Philippines na hindi maipapawalang-bisa ang probisyon ng testamento o huling habilin dahil lamang sa pagkakamali sa pagsusulat ng pangalang nakasaad dito. Ayon sa nasabing batas:
“Art. 844. An error in the name, surname, or circumstances of the heir shall not vitiate the institution when it is possible, in any other manner, to know with certainty the person instituted.
If among persons having the same names and surnames, there is a similarity of circumstances in such a way that, even with the use of the other proof, the person instituted cannot be identified, none of them shall be an heir.”
Base sa nabanggit na probinsyon ng batas, kung maaari namang masiguro at malaman sa pamamagitan ng ibang pamamaraan ang tinutukoy na tagapagmana na may mali sa pangalan, mananatiling may bisa ang pagtalaga sa kanya sa huling habilin. Kung sakali namang hindi matutukoy kung sino sa dalawa o higit pang tao ang itinalagang tagapagmana, wala sa kanila ang magmamana. Sa gayong sitwasyon, ang parte lamang na may problema ang hindi maibibigay alinsunod sa huling habilin.
Sa madaling salita, kung isang letra lamang naman ang mali sa pagkakasulat ng iyong pangalan sa testamentong iniwan ng iyong tiyahin, hindi agarang maipapawalang-bisa ito. Kinakailangan lamang na mapatutunayan mo na ikaw ang tinutukoy sa bahaging binabanggit sa huling habilin o testamento. Na bagama’t may mali sa spelling ng pangalan, walang duda na ikaw ang tinutukoy sa huling habilin ng iyong tiyahin.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments