“Hindi maipaliwanag na takot” ng mga Pinoy sa pandemya, bigyang-pansin!
- BULGAR
- Mar 21, 2021
- 2 min read
ni Ka Ambo - @Bistado | March 21, 2021
May hate campaign sa U.S. kontra sa mga taga-Asya.
‘Yan ang ‘psyche-effect’ ng COVID!
◘◘◘
ISINISISI ng ordinaryong Kano ang krisis sa ekonomiya sa virus na nagmula sa Asia.
Isang klase rin ito ng “topak”!
◘◘◘
SA ‘Pinas ay may ganyan ding klase ng epekto ang COVID.
Napakaraming nakararanas ng depression at stress!
◘◘◘
KUMOKONSULTA ang hindi pangkaraniwang dami ng Pinoy sa mga doktor sa hindi maipaliwanag na “palpitation”.
Sa lalawigan, ang tawag d’yan ay “nerbiyos”!
◘◘◘
HINDI lang COVID pandemic ang nararanasan ngayon, bagkus ay may epidemya ng “nerbiyos”.
May hindi maipaliwanag na “takot o fear” ang ordinaryong mamamayan.
Dinededma lang ito ng DOH at Malacañang!
◘◘◘
ANO ang nerbiyos?
Ito rin ang palpitation o bilis ng tibok ng puso at tiklado ng pulso.
Sa mas malalang sitwasyon, may dumaranas ng “skip heartbeat”!
◘◘◘
KAPAG hindi napigil ang nerbiyos, maaaring magkaroon ng diperensiya ang puso dahil hindi normal ang tibok nito.
Maaaring may problema rin sa “brain” o kaisipan ng pasyente.
May takot siya na “hindi rin niya kayang ipaliwanag”!
◘◘◘
KUNG tayo ang tatanungin at para sa mas malinaw na paliwanag o pang-unawa, maaaring ikumpara ito sa “Post Partum Syndrome”.
Ito ay lihim na takot o nerbiyos ng bagong panganak!
◘◘◘
TIPONG tinotoyo o may diperensiya sa emosyon ang bagong panganak dahil may lihim siyang “takot” sa pagpapalaki ng kanyang sanggol.
Karaniwang nararanasan ito ng “single mother” o dalagang ina na iniwanan o malayo sa kanyang mister.
Masyado siyang nag-aalala sa “future” ng kanyang sanggol!
◘◘◘
PAANO na ang kanyang pinakamamahal na sanggol kung wala siyang ama at walang pagkukunan ng ikabubuhay?
Paano mabubuhay nang maaayos, paano makakapag-aral ang kanyang anak kung walang ama at siya mismo ay walang maayos na trabaho?
Nababahala ang “dalagang ina” sa kanyang kabuhayan at sa hinaharap!
◘◘◘
‘YAN din mismo ang nerbiyos ng ordinaryong tao sa gitna ng COVID pandemic.
Paano mabubuhay ng magulang ang kanyang menor-de-edad na anak kung nawalan siya ng trabaho?
Paano siya magkakaroon ng pagkakakitaan — kung ang lockdown ay walang linaw kung kailan magwawakas?
Opo, nababahala ang marami sa tinatawag na “uncertain future” ng buong pamilya!
◘◘◘
HINDI lang ang ikabubuhay o ekonomiya ang problema ng ordinaryong tao, bagkus ay ang lumalalang sitwasyon at kawalan ng solusyon.
Ang mga ulat sa media at opisyal na pahayag ng mga awtoridad ay nagbubunsod ng “nerbiyos” o “uncertainty”!
◘◘◘
MALI ang impormasyon o impresyon ng mga ulat na inilalabas ng gobyerno na ikinakalat naman ng media.
Halimbawa, itinulak ng panic ang mga taga-Metro Manila nang ibulaga sa media na may higit sa 7, 000 ang tinamaan ng COVID.
Pero, kapag sinuri natin ang datos mula sa mismong ulat, matutuklasan nating “33” lang ang namatay.
Ibig sabihin, imbes na sabihin sa “opisyal na mensahe ng gobyerno” na kakaunti lang ang namamatay at kakaunti lang ang severe cases—ang ibinabando ay ang hindi karaniwang dami ng positibo sa COVID!
◘◘◘
MAGKAIBA rin ang kahulugan ng “may sakit”, “may sintomas” at “positibo sa COVID”.
Hindi ‘yan ipinapaliwanag ng Malacañang, DOH at mismo ng media.
Hindi lahat ng positibo sa COVID—ay maituturing na “may sakit” o “may sintomas”!
◘◘◘
HINDI lahat ng positibo sa COVID ay “severe cases”.
Hindi lahat ng positibo sa COVID—ay nangangahulugang “wala nang future”!
◘◘◘
MAHALAGANG sumunod na protocol, pero ang pagkakalat ng impormasyong “walang wastong konteksto” ay nagbubunsod ng panic.
Ito ay panic, hindi lang ng ordinaryong tao, bagkus ay ang mismong “gobyerno” ay bistadong panic.
Dahil panic ay wala sa ayos ang mga desisyon at impormasyon na inilalabas.
May krisis tayo ngayon sa “paglalabas ng impormasyong lihis sa konteksto” ng tunay na sitwasyon!





Comments