top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Hindi maaaring basta na lang magpalayas ang landlord ngayong pandemya

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 7, 2020
2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | December 7, 2020



Dear Chief Acosta,


Nawalan ako ng trabaho noong Abril dahil sa pandemya kaya’t hindi ako nakababayad ng upa sa bahay sa Tondo, Maynila mula noon. Pinipilit akong singilin ng landlord ko, at kung hindi pa diumano ako makapagbayad ay mag alsa-balutan na lamang ako. Hindi ko na alam kung ano ang gagawin at wala kaming ibang malilipatan. Maaari ba akong puwersahang palayasin ngayong may pandemya pa? – Minie


Dear Minie,


Ang sagot sa inyong katanungan ay hindi po. Para sa inyong kaalaman, tinatalakay ng Bayanihan to Recover As One Act o Republic Act (R.A) No. 11494 ang paggawad ng hindi bababa sa tatlumpung (30) araw na palugit sa pagbabayad ng upa habang nasa ilalim ng community quarantine at kasalukuyang may COVID-19 na lumalaganap. Narito ang sipi ng probisyon mula sa nasabing batas na angkop sa inyong sitwasyon:


“(ww) Provision of a minimum of thirty (30)-day grace period on residential rents and commercial rents of lessees not permitted to work, and MSMEs and cooperatives ordered to temporarily cease operations, falling due within the period of the CQ, without incurring interests, penalties, fees, and other charges: Provided, That all amounts due within the period of CQ shall be amortized in equal monthly installments until December 31, 2020 without any interests, penalties and other charges: Provided, further, That no increase in rent shall be imposed during the same period: Provided, furthermore, That the minimum thirty (30)-day grace period shall be reckoned from the date of the lifting of the ECQ or MECQ; xxx”

Samakatwid, dapat bigyan kayo ng inyong landlord ng hindi bababa sa tatlumpung (30) araw na palugit upang makabayad ng renta, nang walang anumang interes o multa, mula Abril nang magsimulang hindi kayo makabayad hanggang Mayo, 2020 noong may Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Metro Manila, at muli noong Agosto, 2020 kung kailan isinailalim muli sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang Metro Manila. Ang nasabing palugit ay dapat magsimula sa araw ng pagtanggal mula sa mga nabanggit na community quarantine. Ang inyo ring hindi nabayarang renta ay dapat hati-hatiin sa buwanang hulugan hanggang Disyembre 31, 2020 at hindi isahang singilan.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page