Mga nasa high risk areas, dapat nang lumikas
- BULGAR
- 38m
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | November 8, 2025

Hindi lang dapat sa kasagsagan ng bagyo naalarma ang gobyerno at mamamayan para kumilos, kailangang bago pa man dumating ang anumang sakuna ay handa na tayo.
Sa ating bansa na sanay na umano sa mga bagyo, bakit bawat unos na bumabayo ay parang hindi pa rin tayo natututo?
Habang papalapit ang Tropical Storm Fung-Wong o Bagyong Uwan na inaasahang magiging super typhoon, muling sinusubok ang disiplina, kahandaan, at malasakit ng bawat lokal na pamahalaan.
Kaya naman inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga local government units (LGUs) na agad tapusin ang preemptive evacuation ng mga residenteng nasa high-risk areas, bago pa mag-Linggo, Nobyembre 9. Isang hakbang na pinangunahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) upang tiyaking hindi mauulit ang mga trahedyang kumitil ng mga buhay at sumira ng mga kabuhayan.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) kahapon, ang Bagyong Uwan ay nasa labas pa ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ngunit mabilis na lumalakas. Sa mga susunod na oras anila, maaaring umabot ito sa super typhoon category, na posibleng mag-landfall sa Northern o Central Luzon sa Nobyembre 10. May banta rin ng malalakas na ulan, landslide, storm surge, at coastal flooding — isang senaryong pamilyar ngunit laging nakakapanindig-balahibo.
Batay sa DILG, nakatuon ang kanilang pansin sa tatlong “K” (Kahandaan, Koordinasyon, at Kaligtasan), kung saan inaatasan nila ang mga LGUs na maghanda ng evacuation centers na may sapat na pagkain, kuryente, at tulugan, at tiyaking maayos ang pamamahala sa mga evacuees. Gayundin, dapat manatili ang kanilang koordinasyon sa Regional Disaster Risk Reduction and Management Councils (RDRRMCs).
Ipapatupad din anang ahensya, ang no-sailing policy, kanselasyon ng outdoor at tourism activities, habang kailangang tiyaking maayos ang mga daan upang walang maging hadlang para sa mga emergency at relief operations.
Sinabi pa ng DILG, hindi tayo dapat magpakampante dahil ang susunod na 48 oras ang pinakamahalaga, malinaw na paalala na ang kaligtasan ay hindi dapat isugal bagkus iprayoridad ito.
Malaki ang papel ng pagiging handa tuwing may paparating na bagyo o anumang kalamidad. Kasabay pa nito ang taimtim nating pakikinig sa mga anunsyo mula sa mga kaukulang ahensya tulad ng signal warnings at iba pang paalala ng pag-iingat. Napakahalaga rin ng pagsunod natin sakaling ipatupad na ang preemptive evacuation ng mga lider ng lokal na pamahalaan.
Kapag bawat LGU ay maagap, bawat lider ay handa, at ang mga mamamayan ay nakikinig, ang pinsalang dulot ng anumang unos ay magiging aral lamang, at hindi trahedya.
Ang kaligtasan ay dapat pinahahalagahan. Ito’y kolektibong responsibilidad, kung saan ang mamamayan ay sumusunod sa kinauukulan, habang ang gobyerno ay nireresolbahan ang anumang kahinaan ng sistema tulad ng kakulangan sa evacuation centers, mabagal na relief response, at kawalan ng koordinasyon. Sa ganitong paraan, mapipigilan natin ang mas matinding pinsala na maidudulot nito.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




