top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Hindi lahat ng 16-M na bumoto kay P-Digong, DDS!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 18, 2021
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | May 18, 2021



BAKA IBASURA SA ELEKSIYON ANG TEAM DUTERTE—Bagama’t nag-sorry na si Sen. Christopher “Bong” Go sa kanyang pagkakamali noon nang sabihin nitong Tausug si Lapu-Lapu na taga-Mactan, Cebu. Samantala, noong May 11, 2021 sa kanyang public address ay pinanindigan ni P-Duterte na Tausug talaga si Lapu-Lapu.


Naku, baka ibasura ng mga taga-Cebu ang kandidatura ng Team Duterte sa 2022 election kasi ang kababayan nilang Cebuano ay ipinagdidiinan ng pangulo na Tausug, boom!


◘◘◘


HINDI DDS ANG LAHAT NG 16-M NA BUMOTO KAY P-DUTERTE, KARAMIHAN AY DUTERTE SUPPORTER LANG, PERO HINDI ‘DIEHARD’—Hindi DDS (Duterte Diehard Supporters) ang lahat ng 16-M na bumoto kay P-Duterte noong 2016 presidential election dahil ang sa totoo lang, karamihan ay Duterte supporters lang, pero hindi ‘diehard’.


Ang mga Duterte supporters ay sila ‘yung mga manggagawang naniwalang wawakasan ang endo; mangingisda na naniwalang magdye-jet ski at ipaglalaban ng Pangulo ang West PH Sea; magsasaka na naniwalang susuportahan ang agrikultura; guro at health workers na naniwalang dodoblehin ang kanilang suweldo at maralitang inakalang iaahon sila sa kahirapan ng kasalukuyang gobyerno.


At dahil hindi tinupad ang mga nasabing campaign promise, kapuna-puna sa social media na ang mga dating Duterte supporters ay anti-Duterte na, at ang natirang tagasuporta na lang ngayon ay ‘yung mga tinatawag na DDS, period!


◘◘◘


ROQUE, PINASUSUWELDO NA NG MGA PINOY, MAY SUWELDO PA SA CHINA?—Hindi nagustuhan nina Sen. Panfilo “Ping” Lacson, Jr. at Sen. Francis “Kiko” Pangilinan ang ibinida ni Presidential spokesman Harry Roque na hindi sakop ng Pilipinas ang Julian Felipe Reef, at dahil d’yan kaya nasabi ng dalawang senador kung China raw ba ang nagpapasuweldo kay Roque dahil may pagkiling sa China ang sinabi nito?


Bagama’t binawi na ni Roque ang kanyang statement tungkol sa Julian Felipe Reef, dapat imbestigahan ng Senado si Roque at para malaman kung bukod sa suweldong tinatanggap niya mula sa mga Pinoy taxpayers, baka matuklasang may ‘tinatanggap’ din siya sa China, boom!


◘◘◘


DAPAT MAG-INGAT SI LOCSIN KAY ROQUE KASI BAKA TYPE NITONG SULUTIN ANG PUWESTO NIYA SA DFA—Maging si Sec. Teodoro “TeddyBoy” Locsin, Jr. ng Department of Foreign Affairs (DFA) ay nabuwisit sa sinabing ito ni Roque kasi ang papel niya bilang DFA sec. na mandatong kumuwestiyon sa pananakop ng China sa Julian Felipe Reef ay pinanghihimasukan ng presidential spokesman.


Naku, dapat palang mag-ingat si Locsin kasi baka type ni Roque na maging DFA sec. at magulat na lang siya na nasulot na siya sa kanyang puwesto, he-he-he!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page