top of page
Search
  • BULGAR

Hindi kailangan ng resibo para mahatulan bilang illegal recruiter

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | July 4, 2022


Dear Chief Acosta,


Maraming kapitbahay ko ang naloko ng taong nagpanggap na “manager” ng ahensya na maaaring makapagpaalis ng bansa upang makapagtrabaho bilang personal assistant (PA) ng ilang sikat na entertainers sa abroad. Nagtiwala ang aking mga kapitbahay sa kanya dahil napaalis nito ang isang kababayan at naging kilalang PA ng sikat na artista sa Amerika.


Nangolekta siya ng processing fees sa halos dalawampung tao. Ngayon, nang siya ay maireklamo, sinasabi niyang hindi mananaig ang mga testimonya ng nasabing mga tao laban sa kanya sapagkat wala naman daw na maipakitang resibo ang mga ito tungkol sa kanilang naging transaksyon. Tama ba na hindi siya maaaring mahatulan na nagkasala ng illegal recruitment kung walang resibong maipapakita ang mga biktima? - Unica


Dear Unica,


Para sa iyong kaalaman, ayon sa ating Kagalang-galang na Korte Suprema sa kasong People of the Philippines vs. Mary Jane Dela Concepcion Y Valdez (G.R. No. 251876, 21 March 2021, Ponente: Honorable Associate Justice Marvic Mario Victor F. Leonen), hindi sukatan ang kawalan ng resibo ng mga biktima upang masabing hindi nanloko sa pagre-recruit ang tao. Malinaw din na ipinabatid dito na:


“The testimonies of private complainants are not bare allegations as accused-appellant would want this Court to believe. Private complainants narrated in open court how they were defrauded into believing that accused-appellant could prepare their documentary requirements and deploy them. Their testimonies are sufficient to show that accused-appellant committed illegal recruitment.”


Samakatwid, maaari pa ring mahatulan na guilty ang nasabing nagpanggap na manager sa kasong Illegal Recruitment kahit pa walang maipakitang resibo ng transaksyon ang iyong mga kapitbahay basta’t mapapatunayan ang kanyang mga ginawa sa pamamagitan ng credible evidence gaya ng positibo at maliwanag na pagtetestigo ng kanyang mga naging biktima.


Kailangan ding tandaan na ang pagtanggap ng bayad ay hindi elemento ng illegal recruitment. (People of the Philippines vs. Eduardo Ballesteros, G.R. Nos. 116905-908, 6 August 2002 penned by former Associate Justice Antonio T. Carpio) Ang pinagbabawal ng batas ay ang pangangalap, pagtatala, magkontrata, pag-transport, paggamit, pagkuha ng manggagawa, kabilang ang pag-refer, pagkuha ng serbisyo, pangangako o pag-anunsyo ng trabaho sa ibang bansa, para kumita man o hindi, kung hindi naman lisensyado alinsunod sa batas. Basta mapatunayan ito, maaaring mapanagot ang recruiter, tumanggap man siya ng bayad o hindi.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page