Hindi kailangan ng dahas sa pagpapatupad ng batas
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan| May 09, 2021
Bihira tayo makakita ng mga hindi nakasuot ng facemask. Naging ordinaryo na ang pagsuot nito para sa karamihan. Ngunit paminsan-minsan, sa ating pagdalaw sa pamayanan, nakakakita tayo ng mga batang naglalaro na walang suot na facemask. At madalas, gayundin ang mga nakatatanda na nanonood lamang sa mga paslit.
Ningas-kugon lang ba ang maraming bagay sa ating bansa? Unti-unti nang naipatutupad ang pagkakaroon ng bicycle lanes sa iba’t ibang bahagi ng Kalakhang Manila. Subalit, madalas makita ang mabilis na paglaho ng interest sa bicycle lanes ng mga tagapagtupad ng patakaran. Hindi ba’t ganun din ang nangyari sa mga patakarang tungkol sa COVID-19? Mainit, mahigpit sa simula pero manlamig din at humina hanggang sa mabalewala.
“Hulihin, ikulong at pagmumultahin ang mga hindi nakasuot ng facemask!” Ito ang bagong paghihigpit na galing sa Malacañang — kaya pala ang daming pulis na may hawak na yantok sa kahabaan ng East Avenue, Cor. EDSA hanggang Elliptical Road.
Maraming nahuling wala o hindi maayos na pagsuot ng facemask. Maraming dumurukot ng pera sa wallet upang magbayad ng penalty. Mahigit isang taon na umiiral pero tila lumalala pa ang pandemya sa ating bansa. Bakit urong-sulong ang mga patakaran? Bakit ningas-kugon ang pagpapatupad ng patakaran? Bakit palaging hinuhuli at hinihigpitan ang maliliit na mamamayan, samantalang marami rin namang kilala o makapangyarihang na hindi sumunod sa mga ‘basic na patakaran’?
Sa halip na tingnan ang pagkakamali, sa pagkukulang ng mamamayan nakatuon ang pansin. Pero pagdating sa mga nakapuwesto, pikit-mata naman talaga? Hindi lang “heal as one”, dapat “change as one.” Hindi lang karaniwang tao ang dapat magbago, punahin, hulihin at parusahan. Kailangang magsama-sama tayo para ituwid ang tunay na mali at pagkukulang, lalo na ng mga may hawak ng pondo at kapangyarihan.
Kung merong malinaw, siyentipiko, malinis at hindi pagbagu-bagong polisiya sa pagsugpo ng pandemya mula simula ng pandemya hanggang ngayon, marahil ay unti-unti na nating makikita ang positibong epekto ng tama, mahusay at epektibong programa.
Sa gitna ng paglala ng pandemya, hindi paghihigpit at pananakot kundi mahinahon at maayos na edukasyon ang kailangan ng taumbayan.





Comments