top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Jake Cuenca, arestado matapos tumakas nang mabangga ang sasakyan ng mga pulis

Writer: BULGAR
BULGAR
Oct 10, 2021
1 min read

ni Jasmin Joy Evangelista | October 10, 2021



Inaresto ng Mandaluyong City Police ang aktor na si Jake Cuenca matapos umanong mabangga ng kanyang SUV ang isang sasakyan ng mga pulis nitong Sabado ng gabi.


Ayon kay Eastern Police Director PBGen. Matthew Bacay, nangyari ang insidente bandang alas-9:00 ng gabi nang dumaan ang SUV ng aktor at nabangga nito ang sasakyan ng mga pulis.


Batay sa report, hindi huminto ang driver kaya hinabol ito ng mga pulis hanggang makarating sila sa Shaw Boulevard sa Pasig City.


Nang maabutan ng mga pulis ang SUV, doon na nakilala ang driver na si Jake Cuenca.


Ayon sa Heneral, kasalukuyang sumasailalim si Cuenca sa medical examination ngayong Linggo ng umaga.


Inihayag pa ni Bacay na habang hinahabol ng mga pulis ang SUV ng aktor ay nagpaputok ang mga ito at may stray bullet na nakatama sa isang Grab driver.


"In the course of the chase nila, 'yung mga personnel natin had to disable 'yung sasakyan, pinaputukan 'yung gulong. May tinamaan na Grab driver," ani Bacay.


Agad namang dinala sa ospital ang biktima at kasalukuyan nang nasa maayos na kondisyon.


Samantala, nagtungo umano ang ama ni Cuenca sa Mandaluyong Police Station nitong Linggo ng umaga at iginigiit na tinrato umanong parang kriminal ang kanyang anak matapos puwersahang padapain at posasan.


Sinabi naman ng pulisya na ito ay normal na procedure lamang.


Anila, heavily tinted daw ang sasakyan ng aktor kaya’t nag-ingat lamang sila.


Ayon pa sa ama ni Jake, hindi sinadyang tumakas ng kanyang anak dahil natakot lamang ito at nag-panic kaya naisipang magdire-diretso.


Sasampahan ng kasong reckless imprudence resulting in damage to property sa Mandaluyong Police ang aktor.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page