top of page
Pokwang.jpg

Hindi datos ng DOH… Eksperto sa ekonomiya ang kailangan ng bansa!

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 29, 2021
2 min read

ni Ka Ambo - @Bistado | January 29, 2021



Hindi pa rin paluluwagin ang lockdown sa Metro Manila.


‘Yan mismo ang sanhi ng krisis!


◘◘◘


Ang krisis ay ngayong Enero lamang nararamdaman.


Papagrabe ito nang papagrabe hanggang Pebrero, Marso at Abril.


Sige, lockdown pa rin pero huwag aasa sa anumang recovery!


◘◘◘


Kahit himukin ang mamamayan, hindi pa rin sila magnenegosyo at lalabas ng mga bahay.


Nagkukusa ang mayorya ng taga-Metro Manila na magtago sa mga bahay at magsiuwi sa mga lalawigan.


Meaning, hindi COVID ang problema, kundi ang “patay nang merkado”!


◘◘◘


Hindi ekspertong manggagamot ang kailangan natin ngayon, bagkus ay eksperto sa ekonomiya.


Hindi dapat ang DOH ang naglalabas ng daily updates, bagkus ay ang Department of Finance!


◘◘◘


Hindi ang datos at updates sa COVID ang kailangan ng mamamayan.


Ang kailangan ay kung ilang obrero ang nawalan ng trabaho at ilan ang masisisante pa.


Ilang negosyo ang nagsarado at ilang kompanya pa ang tuluyan nang na-bankrupt!


◘◘◘


Nalilihis na ang gobyerno, hindi nila alam ang kanilang ginagawa.


Nasa ibang henerasyon na tayo, hindi tayo dapat nag-iisip batay sa “padron” sa pre-COVID time, bagkus ay nag-iisip tayo sa post-COVID generation!


◘◘◘


Hindi na babalik ang mga lumipas.


Hindi tayo dapat mabuhay sa nakaraan, bagkus ay mabuhay tayo at paghandaan ang bagong klase ng sibilisasyon—ito ay ang post-COVID time!


◘◘◘


Ang taong 2020 at 2021—ay siyang “zero point” o ground zero—dito tayo magsisimula ng bagong buhay.


Ibig sabihin, inuulit natin—hindi DOH ang dapat naglalabas ng datos—dapat statistician na eksperto sa macro at micro economics!


◘◘◘


Dapat imulat ang mamamayan sa tunay na sitwasyon ng world economic, national financial system at regional economy.


Pinakamahalaga ay suriin at gumawa ng padron sa bagong “household economics”.


‘Yan ang dapat ipinaliliwanag sa media—araw-araw, hindi ang istatistika kung ilan ang nagkasakit, gumaling at namatay!


◘◘◘


Mali ang impormasyon ng DOH—at magkakakontra.


Wala raw gamot ang COVID, pero ang kanilang datos ay “maraming recovery”.


Ang bilang ng namatay—ay karaniwang mula sa ordinaryong sakit tulad ng alta-presyon, diabetes, pneumonia, heart attack, stroke at paghina ng immune system!


◘◘◘


Alisin ninyo ang bilang ng namatay sanhi ng espesipikong sakit, at matutukoy ninyo na kakatiting lang talaga ang namatay na may malusog na pangangatawan—mula sa COVID.


Kung hindi ninyo maipaliwanag nang todo ang epekto ng COVID, ekonomiya naman ang pagtuunan ninyo ng pansin.


Ang bangkaroteng ekonomiya—ay higit na delikado, maaaring ikabagsak ito ng pamahalaan o gobyerno, higit na malaki ang negatibong epekto nito sa ating henerasyon!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page