Hindi dapat nahuhuli ang mga lalawigan kumpara sa NCR
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | January 26, 2022
Nananatiling nasa ilalim ng Alert Level 3 ang buong National Capital Region (NCR) hanggang sa katapusan ng Enero base sa desisyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) sa kabila ng apela ng maaari na umanong ibaba sa Alert Level 2.
Naunang nanindigan ang Metro Manila Council (MMC) na manatili sa Alert Level 3 status ang NCR sa kabila ng ulat ng OCTA Research Group na bumaba na ang COVID-19 reproduction number sa Metro Manila na sumadsad sa 1.20 simula noong Enero 19 mula sa 2.95.
Pero taliwas ito sa kasalukuyang sitwasyon sa mga lalawigan dahil nananatiling nasa ‘very high risk’ ang kanilang sitwasyon na hanggang ngayon, imbes na humupa ay patuloy pa rin sa pagtaas ang mga kaso at nakikitang dahilan na tila nagkaroon ng pagbagal sa pagtuturok ng bakuna.
Ang reproduction rate ay tumutukoy sa isang kaso base sa bilang ng tao na nahawa at ang reproduction number na mas mababa sa 1 ay nagpapatunay na ang transmission ng virus ay nagkakaroon ng pagbagal.
Ayon pa sa OCTA ang isang buong linggong growth rate sa NCR ay sumayad sa 42% na kanilang itinuturing na malinaw na downward trajectory sa bagong kaso ng COVID-19 na indikasyon ding nasa tamang landas ang pamahalaan sa pagtugon.
Pero ang labis na nakapag-aalala ay ang patuloy na pagtaas ng kaso sa napakaraming rehiyon sa bansa na nasa Alert Level 3 hanggang Visayas at Mindanao at mangilan-ngilang lugar lang lalawigan ang nasa Alert Level 2, ngunit nagbabadya ring tumaas dahil sa napakarami pa ng hindi natuturukan ng bakuna.
Sa ilalim ng Alert Level 3, ang mga establisimyento o aktibidades ay maaari lamang payagan sa maximum na 30 porsiyentong indoor capacity at nasa 50 porsiyento naman para sa outdoor venue capacity, ngunit limitado lamang sa mga indibidwal na kumpleto ang bakuna kabilang na ang mga manggagawa sa naturang establisimyento.
Ibig sabihin sa mga ipinatutupad na panuntunan ay iisa naman ang pinagbabatayan, ngunit tila masyadong nakatutok ang pamahalaan sa NCR na kahit itinuturing pa ring nasa ‘very high risk’ ay may resulta na nang pagbaba ang reproduction rate.
Kasi ang average daily attack rate (ADAR) sa NCR ay bumaba na umano sa 72 na itinuturing pa ring mataas, ngunit bumaba na ang ginagamit na termino ng OCTA Research Group kumpara sa mga lalawigan na talagang itinuturing na ‘very high risk’ dahil sa napakataas na ADAR.
Kunsabagay, aminado ang IATF-EID na nagkaroon talaga ng mga pagbagal sa isinasagawa nilang pagtuturok ng bakuna sa maraming lalawigan na isa sa nakikitang dahilan kaya hanggang sa mga sandaling ito ay patuloy pa rin ang pagtaas ng mga kaso.
Ilan sa binabanggit na dahilan ng IATF-EID ay ang abalang idinulot ng Bagyong Odette sa pamahalaan na sinalanta ang malaking bahagi ng bansa na bahagya umanong naagaw ang atensiyon ng ilang ahensiya ng pamahalaan na dapat nakatutok sa pagbabakuna.
Idinagdag pa ng IATF-EID na malaking balakid na dulot din ang papalapit na eleksiyon dahil sa abala ang maraming halal na opisyal, partikular sa lokal na pamahalaan ang kinakain din umano ang panahon sa pakikipag-ugnayan sa mga national candidate na nagtutungo sa kani-kanilang lugar.
Pinangangambahang nagiging super spreader din ang ginagawang pag-iikot ng mga kandidato sa panahong ito ng pandemya na hindi mapigilang magkumpulan para lamang makita ang sinusuportahan nilang kandidato.
Ibig sabihin, may malaking problemang kinahaharap ang pamahalaan dahilan para sa pagbagal nang pagbabakuna kaya makabubuting mag-isip ng iba pang paraan ang mga ahensiyang may kaugnayan dito, partikular ang Department of Health (DOH) at Armed Force of the Philippines (AFP).
Hindi biro na ang pagkakaiba ng kabuuang kaso ng COVID-19 sa buong bansa ay naglalaro pa rin sa humigit-kumulang sa 30,000 araw-araw, bagama’t may paminsan-minsang pagbaba tulad noong nakaraang araw na nasa 3,417,216 lamang.
Hindi tulad sa NCR na mula sa peak na 8,000 araw-araw ang naitatalang kaso ay nasa 2,000 na lamang ito at inaasahang aabot pa ito sa 1,000 pagsapit ng huling bahagi ng Pebrero dahil may tamang direksiyong binabagtas na sa tingin natin ay bahagyang nakakaligtaan sa mga lalawigan.
Sa NCR, posibleng kaya bumababa na ang kaso dahil sa halos lahat ng ahensiya ng pamahalan ay tulung-tulong na nakatutok hanggang pulis at barangay tanod ay kasama sa ipinatutupad na paghihigpit na nagbunga naman ng positibong resulta.
Pero dapat nating alalahanin na hindi lang ang Metro Manila ang Pilipinas dahil malaking bahagi ng bansa na ngayon ay nasa ‘very high risk’ status ang dapat ding unahin dahil mga Pilipino pa rin ang mga kababayan nating hindi dapat napag-iiwanan kung kalusugan ang pag-uusapan.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments