top of page

Hindi biro ang mga krimeng sangkot ang POGO, kaya dapat palayasin na!

  • BULGAR
  • Sep 21, 2022
  • 3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | September 21, 2022


Lumakas nang lumakas ang ingay hinggil sa iba’t ibang karahasang dulot ng operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) na humantong na rin sa mga panawagan ng ilang sektor na itigil na ang negosyong ito sa bansa.


Ngunit tila hindi tamang solusyon na lahatang isara ang industriya ng POGO sa bansa dahil ang kailangan natin ay matugunan ang karahasang dulot ng ilang masasamang loob at nadadamay ang mga sumusunod sa batas.


Ngayong tukoy na ng Philippine National Police (PNP) ang mga magugulo sa POGO at katunayan ay ilang establisimyento na ang kanilang sinalakay at matagumpay naman ang mga operasyon at may mga naipasara na.


Imbes na ipatigil ang POGO ay dapat na mas paigtingin ang trabaho ng PNP na arestuhin itong mga magugulo at hindi sumusunod sa batas at naniniwala akong kayang-kaya ito ng ating PNP kung tututukan ang trabaho.


Dapat nating bigyang-pansin na ang Department of Finance (DOF) ay isinaayos at pinag-aaralang mabuti ang pagtatatag nitong industriya ng POGO upang kumita ng 50 bilyon hanggang 70 bilyong piso sa buwis sa taong 2022 hanggang 2023 kasunod ng mandato ng Republic Act No. 11590.


Sayang ang kikitain ng pamahalaan kung basta na lang ipasasara ang isang buong industriya dahil sa bulok ng iilan. Ang kailangan ay hagarin at panagutin ang mga hindi rumirespeto at sumusunod sa ating mga batas.


Kabaliktaran naman nito ay dapat bigyan ng maaliwalas at kaaya-ayang kapaligiran para sa negosyo ang mga seryoso at maayos na negosyante na sumusunod sa batas at hindi dapat madamay sa kalokohan ng ilang masasamang loob.


Ang tiyakin lang natin ay dapat nagbabayad ng tamang buwis ang nasa industriya ng POGO na kailangang-kailangan ng ating bansa at kung hindi nagbabayad at tsaka natin ipasara kasama ang mga magugulo at balasubas.


Malaking pagsubok din ito sa mga nagpapatupad ng batas, tax collector at law enforcer pero basta gawin lang nila ang trabaho nila at tulad ng ibang industriya ay maisasaayos natin ang lahat.


Nagsimula lang naman ang paglaki ng isyung ito nang inulat ng PNP sa isinagawang pagdinig ng Senado na mayroon umano silang 29 kaso ng kidnapping kung saan 15 sa mga ito ay pawang may kaugnayan sa POGO at hindi siyempre matukoy kung ilan ang hindi monitor.


Kesyo hindi lang naman kidnapping ang nangyayari kasi may drugs at human trafficking, may torture, prostitusyon, money laundering, may nag-ooperate ng walang lisensya, may mga trabahador na walang legal na dokumento at napakarami pang problema na kung hindi maisasaayos ay malaking problema.


Kaya nga buong-buo ang paninindigan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) kung bakit idinidepensa nila ang POGO dahil sa malaking revenue na nakukuha rito at sa dinami-rami ng operasyon ay ilan lang naman umano ang mga magugulo.


Noong 2003 dating underground operasyon lamang ang POGO sa bansa ngunit pagsapit ng 2016 ay itinodo na nila ang kanilang operasyon dahil kinakitaan ito ng positibong patutunguhan ng noong Pangulo na si Rodrigo Duterte.


Naging maayos naman sa mahabang panahon ang operasyon ng POGO hanggang sa maglabasan na ang iba’t ibang kuwento ng karahasan at lumalabas sa imbestigasyon na ang mga naghahasik ng gulo ay ang mga walang kaugnayan sa maayos na operasyon ng POGO at hindi pa nagsisibayad ng buwis.


Nabatiid na noong 2019 ay nasa 138,000 ang Chinese national na nagtatrabaho sa POGO at 83,760 sa mga ito ay may special work permit kaya nakakapanatili sa bansa ng hanggang anim na buwan, habang 17% ay mga Pilipino na lahat ay nagkaroon ng trabaho sa POGO.


Hindi maitatanggi na may ilang lumalabag kaya nga isang kumpanya ng POGO sa Angeles City, Pampanga ang sinalakay ng Department of Interior and Local Government (DILG) at ng PAGCOR noong nakaraang Sabado sa tulong ng PNP-Regional Office-3 at mahigit sa 40 foreign worker ang nailigtas na sapilitang pinagtatrabaho.


Ang nagsasagawa ng ilegal na operasyon ng POGO establishment ay ang Lucky 99 Outsourcing Inc. sa kahabaan ng Fil-Am Friendship Highway ng lalawigang nabanggit ay agad na ipinasara para papanagutin sa iba’t ibang kasong kanilang kinahaharap.


Ayon sa pahayag ng PNP Anti-Kidnapping Group (AKG) nailigtas nila sa naturang pagsalakay ang isang Chinese national na biktima umano ng kidnapping at ilang panahon nang pinagtatrabaho sa naturang kumpanya kasama ang iba pa.


Noong nakaraang Sabado naman ay ikinasa ng Bureau of Immigration (BI) at National Bureau of Investigation (NBI) ang operasyon para iligtas ang mahigit sa 100 katao na umano’y inaabuso ng mga dayuhan at mga Pinoy na manggagawa sa POGO sa Cainta, Rizal.


Sinisimulan nang bakbakin ng PNP ang operasyon ng mga pasaway na POGO at kung bibigyan lamang natin sila ng pagkakataon ay naniniwala ako na sa loob lang ng ilang araw ay magiging maayos ang lahat.


Ayusin, papanagutin ang may sala at huwag idamay ang mga naghahanapbuhay at nagbabayad ng buwis ng maayos.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page