Hindi alam ng mga taga-IATF at Malacañang ang diskarte kontra COVID-19?!
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | September 07, 2021
VP LENI, MALAMANG PAGTULUNGANG TARAYAN NG MAG-AMONG P-DUTERTE AT HARRY ROQUE--Deretsahang sinabi ni Vice-Pres. Leni Robredo na palpak ang Duterte gov't. sa tugon sa laban sa COVID-19 at patunay aniya na mahigit isa't kalahating taon nang naghihirap ang mga Pilipino sa krisis na dulot ng nito, higit 2 milyong Pinoy na ang nagka-virus, higit 34-K na ang namatay habang milyun-milyon ang nawalan ng hanapbuhay at naghikahos ang pamumuhay.
Totoo naman ang sinabi ni VP Leni, pero dahil hindi matanggap ng Duterte gov't. na palpak ang kanilang COVID-19 pandemic response, asahan nang tatarayan na naman ng mag-among P-Duterte at Presidential spokesman Harry Roque ang bise-presidente, abangan!
◘◘◘
VP LENI, GUSTONG MAGING PANGULO PARA ISALBA SA COVID ANG MGA PINOY; P-DUTERTE, GUSTONG MAG-VP PARA ISALBA ANG SARILI SA KASO--Sabi ni VP Leni, kung may blanket authority lang siya para pamunuan ang tugon ng gobyerno sa laban sa COVID-19 ay magagawa niya ang mga hindi ginagawa ng Duterte gov't., at kabilang ang madalas irekomenda ng bise-presidente ang malawakang mass testing at contact tracing, pagpapagawa ng maraming isolation center, todong-suporta sa mga health workers, sapat na ayuda sa mamamayan at mabilisang vaccination, at kapag nagawa lahat ng 'yan ay mapagtatagumpayan ng Pilipinas ang laban kontra COVID-19.
Sa tema ni VP Leni ay gusto na niyang maging pangulo para isalba sa COVID-19 ang mamamayan, pero sa kabilang banda, si P-Duterte na rin mismo nagsabi, na pagkatapos ng kanyang termino ay gusto niyang maging bise-presidente para isalba ang sarili sa kakaharaping mga kaso, boom!
◘◘◘
PARANG HINDI ALAM NG IATF AT MALACAÑANG ANG GINAGAWA SA LABAN KONTRA COVID-19--Tatlong magkakasunod na araw na higit 20-K ang tinamaan ng COVID-19 sa bansa, pero sa kabila niyan ay inalis ng Duterte gov't. ang travel ban sa mga bansang maraming kaso ng Delta, bukod d'yan ay pagbabalik sa GCQ (General Community Quarantine) at granular lockdown na lang ipaiiral.
D'yan na lang sa diskarteng 'yan ng IATF at Malacañang, ang ebidensiya na parang hindi nila alam ang kanilang ginagawa sa laban sa COVID-19, boom!
◘◘◘
MAS BINIGYAN NG PRAYORIDAD OVERPRICED NA FACE SHIELD AT IBA PANG MEDICAL SUPPLIES KAYSA SA GAMOT SA COVID-19 NA REMDESIVIR AT TOCILIZUMAB --Sinabihan ni Manila Mayor Isko Moreno ang Duterte gov't. na imbes face shield ang pagkagastusan ng bilyun-bilyong piso ay gamot sa coronavirus na tulad ng Remdesivir at Tocilizumab ang bilhin upang maisalba sa kamatayan ang mga COVID-19 patients na kritikal ang kondisyon.
Dapat noong una pa lang ay d'yan na nag-pokus ang pamahalaan kasi kung nakapag-imbak lang agad niyan, tiyak na hindi aabot sa higit 34-K Pinoy ang namatay sa virus.
Kaya lang mas binigyan ng prayoridad ng Duterte gov't. na bumili ng mga overpriced na face shield, facemask, PPEs (Personal Protective Equipments) at iba pang medical supplies sa Pharmally Inc., kumpanyang may konek kay Michael Yang (friend ni P-Duterte), na pag-aari ng mga Chinese na wanted sa Taiwan sa kasong fraud, tsk-tsk-tsk!





Comments