Higit milyong katao, nagkakasakit kada araw dahil sa maruming pagkain

ni Ryan Sison @Boses | June 10, 2024

Dahil sa pagkain ng mga tinatawag na ‘unsafe food’, humigit-kumulang 1.6 milyong indibidwal ang naitatalang nagkakasakit kada araw.
Ayon kay Francesco Branca, head ng nutrition and food safety ng World Health Organization (WHO), ang mga batang wala pang 5 taong gulang ay mas matindi ang nagiging epekto ng mga hindi ligtas na pagkain o nagdadala ng 40 porsyentong foodborne disease burden sa mga ito.
Aniya, ang mga panganib na dulot ng unsafe food o hindi ligtas na pagkain ay maaaring mabilis na mag-evolve mula sa isang lokal na problema patungo sa isang international emergency, habang binigyang-diin niya na ang food safety hazard ay hindi nakakakilala ng mga border o walang boundaries.
Gayundin, ang mga humanitarian crisis na nangyayari sa maraming bahagi ng mundo ay nagiging dahilan ng kawalan ng seguridad sa pagkain at nakokompromiso ang food safety o kaligtasan sa mga pagkain.
Ang itinuturing na mga unsafe food ay iyong mga nalantad sa dumi at mikrobyo, nabulok na pagkain, at marami pang iba na nagdudulot ng impeksyon at sakit katulad ng diarrhea, meningitis at iba pang karamdaman na posibleng magresulta sa kamatayan.
Hinimok naman ni Branca ang bawat pamahalaan na tiyaking klaro ang food safety at isali ito sa kanilang national action plans para sa health security sa kapaligiran, mga hayop at maging sa kalusugan ng taumbayan.
Ayon din sa WHO, itinuturing ng UN Food and Agriculture Organization (FAO) ang safe food o pagkain bilang “fundamental” sa pagkamit ng Sustainable Development Goals (SDGs).
Marami na ring patunay mula sa mga pag-aaral na madalas na nagiging dahilan ng pagkakasakit ng maraming tao ay dulot ng pagkain ng mga unsafe food, na maaari na rin nating sabihin na maruming pagkain.
Ang bawat pagkain kasi na ating isinusubo ay posibleng magbigay sa atin ng lakas at sigla ng pangangatawan o magdulot ng panghihina at iba’t ibang sakit.
Kaya kinakailangan na maging maingat tayo sa ating mga kinakain. Tiyakin sana natin palagi na malinis, hindi expose sa anumang mikrobyo, hindi panis at ligtas talagang kainin.
Ang masaklap lang ay marami sa ating mga kababayan na nagtitiis sa mga tira-tira na galing sa mga karinderya o kaya sa mga fast food dahil sa wala silang pambili ng pagkain.
Dapat sigurong magpatupad ang kinauukulan ng mga istratehikong plano para sa mas mahusay na produksyon, nutrisyon ng mga pagkain at mga katulad nito na makapag-aambag para sa isang malusog na pamumuhay ng mga mamamayan.
Tutukan din sana nila nang husto ang nararanasang gutom ng marami nating kababayan na batid naman natin na hanggang ngayon ay problema at hirap pa rin itong masolusyunan.
Sana, huwag puro plano lang, kailangan na gawan ng paraan at aksyunan dahil walang ibang aasahan ang taumbayan kundi ang tulong at suporta ng pamahalaan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments