ni Lolet Abania | July 4, 2022
Naging nakababahala na ang mga naitatalang bilang ng mga dengue cases sa Pilipinas, ayon kay dating Philippine Medical Association (PMA) President Benito Atienza ngayong Lunes.
“Yes, dapat tayo ma-alarma,” sabi ni Atienza sa Laging Handa briefing. Ito ang tugon ni Atienza nang tanungin tungkol sa 51,622 dengue cases na nai-record mula Enero 1 hanggang Hunyo 18, 2022, kung saan ayon sa Department of Health (DOH) 58% na mas mataas ito kumpara sa mga kaso na nai-report sa parehong panahon noong nakaraang taon na 32,610 cases.
Ayon kay Atienza, mas maraming tao naman ang namamatay sa dengue kaysa sa COVID-19 sa Singapore. “Kaya dapat po tayong mag-ingat ngayon… dapat po tayong mabahala kung ating mga anak o kahit po matanda, kahit nurse, kahit sino po, ay pwedeng mag-dengue sa panahon ngayon,” ani Atienza.
“At saka lagi po natin tandaan na wala pong pinipili ang dengue sa edad kahit po six months lang, meron po kami gano’n,” saad pa niya. Nagbabala rin si Atienza sa publiko laban sa mga water-borne diseases, influenza, at leptospirosis.
Patuloy naman ang paalala ng Department of Health (DOH) sa publiko na sumunod at isagawa ang 4S strategy na search and destroy breeding sites; secure self-protection measures; seek early consultation, at support fogging or spraying in hotspot areas.
Comments