top of page
Search
  • BULGAR

Herro namayani sa Heat ginitla ang No. 1 Celtics

ni Anthony E. Servinio @Sports | April 25, 2024




Isang text galing sa kakamping si Jimmy Butler ang nagpagana ng laro ni Tyler Herro at ginulat ng bisitang Miami Heat ang numero unong Boston Celtics, 111-101, sa NBA Playoffs kahapon sa TD Garden. Tumabla ang seryeng best-of-seven sa 1-1 at lilipat na sa Kaseya Center para sa Game 3 at 4.


Hindi kasama sa lakbay si Butler na napilay sa Play-In Tournament subalit tiniyak na makakatulong pa rin siya. Sinagot ni Herro ang hamon at nagsabog ng 24 puntos at 14 assist habang tig-21 sina Bam Adebayo at Caleb Martin kung saan nagpasok ng kabuuang 23 tres ang Miami.


Bumanat ang Miami ng 10 sunod na puntos simula sa mga 3-points nina Herro at Haywood Highsmith at tinuldukan ng dalawang buslo ni Martin para sa kanilang pinakamalaking lamang, 82-70. Mula roon ay inalagaan nila ito ng mabuti sa mga mahalagang shoot ni Adebayo at mga free throw ni Herro sa huling quarter.


Sa Western Conference, sinigurado ng numero unong Oklahoma City Thunder na hindi sila matutulad sa Celtics at pinarusahan ang bisitang New Orleans Pelicans para maging 2-0 ang kanilang serye. Lahat ng unang limang ipinasok ni Coach Mark Daignault ay nag-ambag ng 13 o higit na puntos sa pangunguna ni Shai Gilgeous-Alexander na may 33 at rookie Chet Holmgren na may 26.


Tumalon sa 5-0 lamang ang Pelicans subalit hanggang doon na lang at hindi napigil ang Thunder na sumandal sa 7’1” Holmgren na nagbagsak agad ng 15 para lumamang, 35-22. Lumobo hanggang 34 ang agwat sa 4th quarter, 120-86.


Maglalaro ng kanilang mga Game 3 ngayong araw ang Cleveland Cavaliers sa Orlando Magic, New York Knicks sa Philadelphia 76ers at World Champion Denver Nuggets sa Los Angeles. Lahat ng mga bisita ay lamang sa serye, 2-0.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page