HERLENE, TINAWAG NA 'B*BO' AT 'T*NGA' NG BASHERS, 'DI NA MAKATULOG AT MAKAKAIN
ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | June 30, 2023

Sa tindi ng bashing na kanyang pinagdaraanan ngayon, aminado si Herlene Budol na apektado na ang mental health niya.
Kaliwa’t kanang batikos ang natatanggap ngayon ni Herlene dahil sa isang pagkakamali at ito nga ay ang kanyang naging sagot sa Q&A ng Miss Grand-Philippines 2023 kung saan ay isa siya sa mga candidates.
Sa Fast Talk with Boy Abunda aired last Wednesday, ani Herlene ay ngayon lang niya naranasan ang ganito karaming bashers.
Kung anu-ano raw na masasakit na salita ang ipinukol sa kanya ng mga bashers, kabilang na nga rito ang mga katagang "b*bo" at "t*nga."
“Sabi ko nga sa kanila (bashers), ‘Ang galing n’yong mang-bash, naapektuhan ako.’ ‘Yung mental health ko nu’n, Tito, zero talaga,” sey ni Herlene.
Ipinaliwanag din ni Herlene na hindi niya raw ‘dinogshow’ o nilaro ang kanyang sagot sa nasabing beauty pageant.
“Seryoso naman po ako ru’n sa ginagawa kong ‘to. Pero hindi ko ho talaga naintindihan ‘yung tanong. Hindi ko po alam kung bakit. Kahit na sanay naman po akong tanungin nang tanungin ng maraming tao.
“Siguro ho, nu’ng time na ‘yun, wala pa akong tulog, wala pa akong kain pero hindi po ‘yun reason para hindi ho ako makasagot,” paliwanag ni Herlene.
Dahil sa masasakit na panlalait sa kanya, hanggang ngayon ay pinag-iisipan niya kung magba-backout na lang siya sa nasabing pageant dahil sa tindi ng epekto sa kanya.
“Until now po, iniisip ko pa rin kung deserve ko pa rin po bang sumali after ng mga sinasabi sa akin ng mga tao.
“Tito, umabot po sa punto na hindi ho ako nakakatulog, hindi po ako makapag-cellphone, dinelete ko po lahat ng apps ko sa cellphone ko at hindi na rin ako kumakain nang 2 days, ha!” pahayag ni Hipon Girl.
Mas matindi pa nga raw ang epekto sa kanya ng bashing ngayon kesa sa issue noon na nabuntis siya ni Willie Revillame.
“First time po kasi na ganu’n kadami. Dati ho kasi, naba-bash po ako, ‘Uy, nabuntis ka ni Kuya Wil,’ ganu’n lang ho, eh. Pero nae-explain ko naman kasi hindi naman po lumalaki ‘yung tiyan ko.
“Pero rito po kasi, hindi ko po maipagtanggol ang sarili ko kasi alam ko pong mali lahat ng sagot ko nga raw po,” saad niya.
Pinayuhan naman siya ng host na si Boy Abunda na ituloy ang laban, pero pag-iisipan pa raw niya muna ito nang mabuti bago magdesisyon.
Pero mukhang itutuloy naman ni Herlene ang paglaban dahil gusto niyang ipakita sa mga tao na karapat-dapat pa rin siyang maging inspirasyon.





Comments