HERLENE, KUMANTA KUNG BAKIT UMATRAS MAG-HOST SA EB!
- BULGAR
- Jun 19, 2023
- 2 min read
ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | June 19, 2023

Aminado si Herlene Budol na malalang pressure ang naranasan niya noong nagsisimula pa lang silang gawin ang teleseryeng Magandang Dilag ng GMA-7.
Ito ang kanyang first solo series sa nasabing network at kasama pa niya rito ang mga veteran stars na sina Chanda Romero at Sandy Andolong.
“Nu’ng naipalabas pa lang sa Facebook kung sino ang mga kasama ko, napamura talaga ako.
Sabi ko ‘Walandyo, bakit ganito ang mga kasama ko?’ Nakakatakot po talaga,” kuwento ni Herlene sa mediacon ng serye na ginanap noong Sabado, June 17.
Kapag nagte-taping daw sila, talagang ayaw na ayaw niyang magkamali at sobrang nakukunsensiya raw siya kapag nate-take two.
Naikuwento rin niya na may moment na nag-lock jaw pa siya dahil hindi siya bumitaw sa karakter niya at si Sandy raw talaga ang tumulong sa kanya.
“Nu’ng isang beses na hindi ako makabitaw, nagla-lock jaw na ho ako, tapos, hindi ho ako makahinga. Kailangan po palang mag-move on pagkatapos ng eksena, hindi ko po nagagawa,” tsika ni Hipon Girl.
Kinalma raw siya ni Sandy at minasahe ang kanyang panga.
“Naamoy na niya ho lahat ng hininga ko dahil nakaganu’n ho siya sa akin. ‘Sige, inhale, exhale.’
Nahihiya po akong ibuga ang hininga ko sa kanya,” sey ni Herlene at nagtawanan ang lahat.
Samantala, sa group interview after the Q&A ay naitanong kay Herlene kung totoong tumanggi siya nang alukin ng Eat… Bulaga! na maging isa sa kanilang mga hosts.
“Ah, talaga? Saan ho galing ‘yan?” ang unang sagot ni Herlene.
Pero later ay inamin din niyang may mga commitments pa raw kasi siya na kailangang tapusin kaya hindi pa niya matatanggap ang offer sa ngayon.
“After po nito, why not po?” aniya.
Willing naman daw siya if ever at sey pa niya, “Sobrang happy po ako, kung sakali po.”
Pero kaagad niyang nilinaw na malaki ang respeto niya sa mga original hosts na sina Sen. Tito Sotto, Vic Sotto and Joey de Leon at umiyak pa raw siya nang magpaalam ang mga ito last May.
“Siyempre, simula nu’ng bata ho ako, utot pa lang ho ako, nandiyan na sila. So, nu’ng nawala sila, umiyak ho ako. Talagang parang feeling ko, na-heartbroken din po ako,” aniya.
Hindi naman siya nanghinayang na hindi niya tinanggap ang offer ng TAPE, Inc.?
“Sa tamang panahon naman po ‘yan, eh. May mga bagay naman po siguro na kung para sa ‘yo, para sa ‘yo,” sagot ni Herlene.
Kasama rin sa cast sina Benjamin Alves bilang leading man ni Herlene, Chanda Romero, Sandy Andolong, Rob Gomez, Adrian Alandy, Maxine Medina, Bianca Manalo, at marami pang iba. Ito ay mula sa direksiyon ni Don Michael Perez.





Comments