Herd immunity sa NCR plus 8, nakamit na, ayos!
ni Ryan Sison - @Boses | December 12, 2021
Kinumpirma ni National Task Force (NTF) against COVID-19 adviser Ted Herbosa na nakamit na ng National Capital Region (NCR) at walong iba pang probinsiya ang herd immunity.
Matatandaang ang NCR plus eight ay kinabibilangan ng NCR, Bulacan, Pampanga, Batangas, Cavite, Laguna, Rizal, Cebu City at Davao City.
Ayon pa sa opisyal, sa NCR, lumagpas na sa 90% ang nakakumpleto ng bakuna, habang 100% na ang nakatanggap ng unang dose. Gayundin, may mga lugar pa ring 40% pa lang ang kumpleto ng bakuna, pero madadagdagan ito sa gagawing bakunahan sa Disyembre 15, 16 at 17.
Sa mga nakalipas na linggo, nasa 300 kaso bawat araw na lang ang naitatala at maraming ospital na rin ang walang naitatalang bagong kaso ng COVID-19.
Gayunman, nananatili umano ang banta ng Omicron variant, kaya kailangang makumpleto ang dalawang dose ng bakuna, gayundin ang booster shot para magkaroon ng proteksiyon kung sakaling makapasok ang naturang variant.
Sinasabing ang COVID-19 vaccination program ay may malaking tulong sa patuloy na pagbaba ng bilang ng hawahan, at malamang na bababa pa ito kung mas maraming mababakunahan.
‘Yun nga lang, hindi lamang ang bilis ng pagbabakuna ang kailangan dahil kakailanganin din ang kooperasyon ng ating mga kababayan.
Ilang buwan kasi nang simulan ang national vaccination program, matatandaang marami pa ring takot magpabakuna. Bagay na malaking hamon para sa pamahalaan.
Bagama’t hindi natin masisisi ang iba kung natatakot, ang magagawa natin ngayon ay patuloy na magbigay-aral tungkol sa epekto at kayang gawin ng bakuna laban sa COVID-19.
Malaking tulong ito upang makumbinse ang marami nating kababayan na magpabakuna at sana ay mapabilis din ang pagbabakuna sa mga probinsiya.
Iisa lang naman ang nais natin — ang magkaroon ang lahat ng sapat na proteksiyon at tuluyang makalaya sa COVID.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments