Herd immunity sa NCR Plus 8 bago ang Pasko, posible
ni Ryan Sison - @Boses | June 28, 2021
Posibleng maabot ng NCR Plus 8 ang herd immunity sa Christmas season kung hindi magkakaroon ng local transmission ng Delta variant ng COVID-19, ayon sa OCTA Research Group.
Matatandaang unang na-detect sa India ang naturang variant, kung saan nakapagtala ng 17 kaso ng Delta variant sa bansa at isa ang naiulat na namatay.
Sa kabila nito, pinaghahandaan ng pamahalaan ang posibleng surge ng Delta variant dahil matatandaang tumaas ang bilang ng COVID-19 cases nang makapasok sa ang iba pang variants sa bansa.
Ayon kay Food and Drug Administration (FDA) Director General Erick Domingo, epektibo laban sa Delta variant ang mga bakunang ginagamit ngayon sa Pilipinas.
Samantala, nakapagturok na ng 8.9 million doses ng COVID-19 vaccine ang pamahalaan noong Hunyo 22, kung saan 2,246,897 mamamayan o 3.87% na ang fully vaccinated.
Habang patuloy ang pagdating ng mga bakuna sa bansa, target ng Department of Health (DOH) na makapagbakuna ng 108,000 kada araw sa Metro Manila, Batangas, Bulacan, Cavite, Laguna, Pampanga, Rizal, Metro Cebu at Metro Davao.
Kasabay nito, sinabi ng ahensiya na isasama sa prayoridad na mabigyan ng suplay ng bakuna ang 10 lugar na nakararanas ng COVID-19 surge, kabilang ang Cagayan de Oro, Bacolod, Baguio, Zamboanga, Dumaguete, Tuguegarao, General Santos, Naga, Legazpi at Iloilo City.
Kung maiiwasan natin ng local transmission ng mas nakahahawang Delta variant, good news ito dahil mas posibleng makamit ng NCR at ilang karatig-lalawigan ang herd immunity bago matapos ang taon.
‘Yun nga lang, kailangang maipagpatuloy ang pagpapatupad at pagsunod sa mga umiiral na health protocols, gayundin ang pagbabakuna sa mamamayan.
Kaya pakiusap sa publiko, ‘wag magpasaway at doblehin ang pag-iingat, hindi lamang para sa inyong mga sarili kundi para sa ikabubuti ng nakararami.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments