Heat tumiyak ng Playoffs vs. Bucks, Mavs, pinagmulta sa 'laglag na laro'
ni Anthony E. Servinio @Sports | April 16, 2023

Nagtabi ng enerhiya ang Miami Heat para sa huling tatlong minuto upang tapusin ang kampanya ng bisitang Chicago Bulls, 102-91, sa huling araw ng NBA Play-In Tournament kahapon sa Kaseya Center. Nanigurado din ang Minnesota Timberwolves at tinambakan ang bisitang Oklahoma City Thunder, 120-95, para sa ika-walong upuan sa Western Conference.
Ibinalik ng three-points ni Coby White ang lamang sa Bulls, 90-87, subalit nabawi ito ng Heat sa mga puntos nina Tyler Herro, Jimmy Butler at Bam Adebayo, 93-90. Ipinasok ni DeMar DeRozan ang free throw at iyan na ang huling narinig sa Chicago at bumuhos ng siyam na sunod-sunod na puntos ang Miami upang maselyuhan ang kanilang seryeng best-of-seven laban sa numero unong Milwaukee Bucks.
Pumukol ng pitong tres si Max Strus para sa 31 puntos at 31 din si Butler. Lalakbay ang Heat sa Bucks para sa dalawang laro ngayong Lunes at Huwebes, petsa sa Pilipinas.
Anim na Timberwolves ay nagsumite ng 11 o higit na puntos sa pangunguna ni Karl Anthony Towns na may 28 puntos at 11 rebound. Sa Lunes at Huwebes din ang unang mga laro ng serye ng Minnesota sa tahanan ng Denver Nuggets.

Samantala, pinatawan ng multang $750,000 (P41.5 milyon) ang Dallas Mavericks matapos lumabas sa imbestigasyon na wala silang balak manalo kontra sa Bulls noong Abril 7. Naging matimbang sa desisyon ang mga pahayag ni Coach Jason Kidd sa media na utos ito ng kanilang may-ari Mark Cuban na itinuring ng NBA na isang sampal sa liga at mga tagahanga.





Comments