top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Heat, Celtics, Raptors at Hawks, mga nakaganti

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 28, 2021
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | February 28, 2021





Umiinit na sa tamang panahon ang Miami Heat at tinalo nila ang numero unong koponan sa buong NBA na Utah Jazz, 123-116, sa pagpapatuloy ng aksyon kahapon sa American Airlines Arena. Ito na ang ika-limang sunod na tagumpay ng Heat (16-17) ni Pinoy pride Coach Erik Spoelstra matapos simulan ang torneo sa 7-14.


Binuhat ni Jimmy Butler ang Heat na may 33 puntos at 10 rebound at sinuportahan ni Goran Dragic na may 26 puntos. Nakaganti rin ang Miami sa kanilang 94-112 na talo sa Utah noong Pebrero 13 at magkikita muli ang dalawang panig kung pareho silang papasok sa 2021 NBA Finals.


Winakasan ng Boston Celtics ang tatlong sunod na pagkabigo at nanaig sa Indiana Pacers, 118-112. Nagbagsak ng 32 puntos si Kemba Walker at sinundan ni Daniel Theis na may 17 para tumbasan ang kartadang 16-17 ng Heat at nagpapahingang New York Knicks.


Dahil hindi pa gagaling ang hita ni Kevin Durant ng Brooklyn Nets, papalitan siya ni Jayson Tatum ng Celtics sa mga First Five sa 2021 All-Star Game. Kahit wala si Coach Nick Nurse at Pascal Siakam dahil sa health protocol, nanaig pa rin ang Toronto Raptors sa Houston Rockets, 122-111. Pumuntos ng 30 at 25 sina Norman Powell at Fred VanVleet.


Ginamit ng LA Clippers ang pagkakataon na lumapit sa liderato ng Western Conference at tinalo ang Memphis Grizzlies, 119-99. Nanguna si All-Star Kawhi Leonard na may 30 puntos.


Sa ibang mga laro, kumapit ang Sacramento Kings sa huling minuto upang pigilin ang paghabol ng Detroit Pistons, 110-107. Namuno sa Kings (13-20) sina De’Aaron Fox na may 27 puntos.


Nagtala din ng panalo ang Oklahoma City Thunder sa Atlanta Hawks, 118-109. Gumawa ng 24 puntos si Shai Gilgeous-Alexander at tinulungan siya nina Luguentz Dort na may 19 at Darius Bazley na 18 puntos at 12 rebound.


Sinunog ng Phoenix Suns ang Chicago Bulls, 106-97. Parehong may tig-22 puntos sina All-Star Devin Booker at Deandre.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page