Heat at Suns, tuluyan nang tutustahin ang Game 6 Semis

ni Anthony E. Servinio - @Sports | May 12, 2022

Malaking bagay na maglaro sa sariling tahanan sa 2022 NBA Playoffs at pinatunayan ito ng Miami Heat at Phoenix Suns matapos parusahan ang kanilang mga bisita kahapon at parehong umakyat sa 3-2 lamang sa Eastern ang Western Conference semifinals. Maaari na nilang wakasan ang mga serye sa paglakbay nila ngayong Biyernes para sa hiwalay na Game Six.
Patuloy pa rin ang perpektong kartada ng Miami sa FTX Arena at tinambakan ang Philadelphia 76ers, 120-85. Kinumpleto ni James Harden ang three-point play para sa 10-9 lamang ng 76ers, subalit sinagot ito ng 11 puntos ni Max Strus at anim kay Jimmy Butler upang itulak ang Heat sa 31-19 lamang at hindi na nila ito binitawan.
Pitong Heat ang nagtala ng 10 o higit na puntos sa pangunguna ni Butler na may 23 at Strus na may 19 puntos at 10 rebound. Umabot ng 37 ang lamang ng Miami, 118-81, at 1:45 sa orasan.
Kinabahan ang Philadelphia sa second quarter nang bumagsak at nangisay sa sakit matapos tamaan sa mukha si Joel Embiid na naglalaro na may basag na buto sa mata. Bumalik si Embiid at pinangunhan ang koponan sa kanyang 17 puntos.
Mas dikit ang 110-80 tagumpay ng Phoenix sa bisitang Dallas Mavericks kung saan humataw lang ang Suns sa second half. Huling tinikman ng Mavs ang lamang, 45-44, subalit isinara ng three-points ni Cam Johnson at shoot ni Chris Paul ang first half na abante ang Phoenix, 49-45.





Comments