top of page
Search
  • BULGAR

Health group sa UK pinabulaanan ang pinsala ng vaping

ni Chit Luna @Brand Zone | August 12, 2023




Mariing itinanggi ng isang grupo ng mga mananaliksik sa UK ang mga alegasyon laban sa vaping, katulad ng sinasabing mas matinding pinsalang dulot nito kumpara sa sigarilyo.


Sa inilabas nitong peer-reviewed briefing paper, sinabi ng Action on Smoking and Health (ASH), isang public health charity na binuo ng UK Royal College of Physicians, hindi totoong mas nakakapinsala ang vaping kaysa sa paninigarilyo ng tabako.


Binanggit ng ASH ang datos na nagpapakita na mahigit sa 75,000 katao ang namamatay taun-taon sa paninigarilyo sa UK, samantalang limang tao lamang ang sinasabing nasawi ng may kaugnayan sa vaping sa nakalipas na 12 taon.


Itinanggi rin ng ASH na ang vaping ay nagsisilbing pinto sa paninigarilyo. Sinabi nito na kung ang vaping ay tunay na gateway sa paninigarilyo, magkakaroon ng mabilis na pagtaas sa antas ng paninigarilyo.


Kabaligtaran ito sa nangyari sa pagitan ng 2010 at 2021 kung kailan nagkaroon ng malaking paglago sa paggamit ng e-cigarette, subalit ang paninigarilyo ay hindi nakaranas ng kasing bilis na pagtaas. Ayon sa ASH, ito ay hindi sumusuporta sa gateway hypothesis.


Sinuportahan ng mga consumer at public health advocacy groups sa Pilipinas ang pahayag ng ASH. Nagpahayag din sila ng pagkaalarma sa mga alamat tungkol sa vaping na paulit-ulit na kumakalat at nakakabahala sa milyun-milyong naninigarilyo na naghahanap ng mas mainam na alternatibo sa sigarilyo.


Ani Dr. Lorenzo Mata, presidente ng Quit for Good, ipinapakita ng mga siyentipikong ebidensya na ang vape ay hindi kaparehas ng sigarilyo.


Sa kabila nito, ilang grupo ang nagpapakalat pa rin ng mga kasinungalingan na mapanganib ang vaping. Ito ay magpapalala lamang sa problema ng paninigarilyo na siyang pangunahing sanhi ng maagang pagkamatay ng mga gumagamit nito, dagdag ni Dr. Mata.


Sinabi ni Clarisse Virgino, kinatawan ng Pilipinas sa Coalition of Asia Pacific Tobacco Harm Reduction Advocates (CAPHRA), na ang ASH report ay sapat na tumutugon sa mga maling kuru-kuro tungkol sa vaping.


Sinabi niya na ang iba't ibang siyentipikong grupo sa UK tulad ng NICE guidance, British Thoracic Society, Royal College of General Practitioners, Royal College of Physicians, Royal College of Obstetrics and Gynecology at Royal College of Midwives ay nag-eendorso sa paggamit ng vape, bilang kapalit ng sigarilyo.


Ito ay matapos makita sa randomized control trials na ang e-cigarette ay isang mabisang tulong upang huminto sa paninigarilyo.


Sinabi ni Virgino na ang Prime Minister ng UK mismo ang nag-endorso ng pamamahagi ng mga libreng e-cigarette kit sa mga naninigarilyo sa England upang tulungan silang huminto sa paninigarilyo.


Ito ay nagpapatunay lamang na ang vape ay mas mahusay na alternatibo sa sigarilyo na ang usok ay nagdudulot ng mga sakit sa tao, aniya. Ang vape, heated tobacco products, nicotine pouch at iba pang alternatibo na walang usok ay itinuturing na mabisang tulong para bawasan ang pinsala na dulot ng sigarilyo.


Ang mga alternatibong produktong ito ay hindi nagsusunog ng tabako. Natuklasan ng mga siyentipikong pag-aaral na ang usok dulot ng paninigarilyo ay naglalaman ng higit sa 6,000 mga kemikal, at humigit-kumulang 100 sa mga iyon ay nauugnay sa mga sakit ng tao.


Dahil wala silang usok, kundi vapor lamang, ang vape at iba pang alternatibo ay nakakabawas ng mga mapaminsalang kemikal hanggang sa 95 porsyento.


Sinabi din ni Dr. Mata na batay sa ulat ng ASH, ang ebidensiya mula sa mga survey ng populasyon sa England ay nagpapatunay na ang paggamit ng e-cigarettes ay matagumpay na nakakapagpahinto ng paninigarilyo.


May 30,000 hanggang 50,000 naninigarilyo sa England ang matagumpay na huminto bawat taon mula noong 2013 dahil sa paggamit ng vape.


Ang ASH report ay dumaan sa pagsusuri ng mga akademiko at clinician na dalubhasa sa iba’t ibang larangan tulad ng addiction; behavior change techniques; electronic cigarettes, smoking cessation at tobacco control; epidemiology; mental health and health inequalities; respiratory at critical care medicine.


Naglalayon ang ASH report na makatulong sa responsableng paglalahad ng ebidensya tungkol sa vaping at bawasan ang pauli’t ulit na pagkalat ng misimpormasyon.


Nilinaw ng ASH na sinusuportahan nila ang mas mahigpit na regulasyon sa e-cigarette para bawasan ang pagkahalina ng mga bata dito, habang hinihikayat nila ang mga naninigarilyo na nasa wastong gulang na gumamit nito para makatulong huminto sa paninigarilyo.



0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page