Heading at Oftana ng 5G bumagsik para sa 2-2 ng finals ng Game 4
- BULGAR

- 1 hour ago
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | January 29, 2026

Photo: PBA PH Official
Laro ngayong Biyernes - Ynares Antipolo
7:30 PM TNT vs. SMB
Nagpaulan ng kakaibang talas sa shooting ang TNT Tropang 5G para ibaon ang defending champion San Miguel Beermen, 110-87, sa Game Four ng 2025-26 PBA Philippine Cup Finals Miyerkules ng gabi sa MOA Arena. Tabla na ang seryeng best-of-seven sa 2-2.
Unang quarter pa lang ay humarurot ang Tropa na tinuldukan ng milagrong napakalayong four-points ni Jordan Heading, 35-18. Minsan lang nakalamang ang Beermen, 6-4.
Napiling Best Player si Calvin Oftana na may 29 puntos buhat sa lima ng kabuuang 14 tres ng TNT. Sumunod sina Heading na may 17 at Rey Nambatac na may 13.
Umabot ng 82-47 ang agwat sa pangatlong quarter kung saan gumawa ng 12 si Oftana. Mula doon ay maingat nilang inalagaan ang bentahe at tinapos ang laban ng mga reserba.
Matapos magawaran ng kanyang ika-13 Best Player of the Conference, walang puntos ni June Mar Fajardo pero nabalik niya ang porma para sa 18 at 16 rebound. Nag-ambag ng 13 si Don Trollano at 11 kay CJay Perez.

Photo: Itinaas ni SMB center June Mar Fajardo ang plake bilang Best Player of the Conference ng PBA Philippine Cup nang igawad sa kanya nina SMB Governor Robert Non (kaliwa), Rachelle Sale, PBA Commissioner Willie Marcial at Alfrancis Chua halftime ng PBA game. (Ben Maniclang)
Ang Game Five ay sa Biyernes sa Ynares Center Antipolo. Ang Game Six at babalik sa MOA sa Linggo at kung kailangan ng Game Seven, ito ay sa Pebrero 4 sa MOA muli.
Samantala, opisyal na linagdaan ang kasunduan para idaos ang 2026 PBA All-Star sa Candon City nina Mayor Eric Singson at Commissioner Willie Marcial ngayong Marso 6 hanggang 8. Nagbunutan din at itatalaga na si Coach Leo Austria na gumabay sa North habang si Coach Chot Reyes ang hahawak sa South All-Stars.
Maliban sa North vs. South, gaganapin din ang laro ng mga Rookie at Sophomore laban sa Juniors. Mayroon din Obstacle Race, Three-Point Shootout na may four-points at Shooting Stars tampok ang mga alamat ng Ilokano Basketball.








Comments