Hayes, sinandalan ng Pistons, Williams at Mathurin, ang ROTM
ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 3, 2022

Nagbukas ang bagong buwan sa NBA sa isang matinding panalo ng Detroit Pistons sa bisitang Dallas Mavericks sa overtime, 131-125, kahapon sa Little Caesars Arena.
Sumandal ang Pistons mga three-points ni guwardiya Killian Hayes sa overtime upang makamit ang kanilang ika-anim na panalo sa 24 laro at sabay umalis sa pinakailalim ng liga.
Tabla ang iskor sa 125-125 at iyan ang hudyat upang ibalik ni Hayes ang lamang sa Pistons, 128-125. Nagmintis ang tira ni Tim Hardaway Jr. at napunta ang bola kay Hayes na ipinasok ang isa pang tres para dagdagan ang lamang, 131-125, at hinigpitan ng Detroit ang depensa sa nalalabing 41 segundo.
Sinayang ng Pistons ang kanilang 117-109 lamang na may 1:47 sa 4th quarter at bumomba ng walong sunod-sunod na puntos ang Mavs. Nagtapos si Hayes na may 22 puntos at 8 assist. Nanguna sa Detroit si Bojan Bogdanovic na may 30 puntos mula sa limang tres.

Gumawa ng 35 puntos at 10 assist si Doncic upang patibayin ang kanyang liderato sa ilang kategorya matapos ang unang dalawang buwan ng liga. Si Doncic ay numero uno sa puntos na 33.5, pang-apat sa assist na 8.6 at pang-apat din sa agaw na 1.8 sa loob ng 19 laro.
Sa gitna ng malupet na numero ay iba ang napili ng NBA bilang Player of the Month para sa pinagsamang Oktubre at Nobyembre na sina Jayson Tatum ng Boston Celtics at Devin Booker ng Phoenix Suns. Ang kanilang mga coach na sina Joe Mazzulla ng Celtics at Monty Williams ng Suns ang mga Coach of the Month habang sina Jalen Williams ng Oklahoma City Thunder at Benn Mathurin ng Indiana Pacers ang mga Rookie of the Month.





Comments