top of page
SPECIAL - MISTER NI BEA NA SI VINCENT, ‘DI TINANGGAL SA PUREGOLD_IG _beaalonzo.jpeg

Hawks, unang kampeon vs. Olivarez sa NCRAA

Writer: BULGAR
BULGAR
May 28, 2023
2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | May 28, 2023



Lumikha ng kasaysayan ang Immaculada Concepcion College Blue Hawks at nauwi nila ang pinakaunang kampeonato sa pagwawakas ng 29th National Capital Region Athletic Association (NCRAA) Basketball Tournament noong Biyernes sa Polytechnic University of the Philippines Gym sa Santa Mesa, Maynila.


Binigo ng ICC ang Olivarez College, 78-70, at walisin ang seryeng best-of-three. Tumalon ang Blue Hawks sa maagang 10-2 lamang at nalimitahan nila ang Sea Lions upang kunin ang first quarter, 18-9. Tuluyang itinayo ng Blue Hawks ang kanilang pinakamalaking lamang sa pagsara ng second quarter, 41-24.


Lumaban pa rin ang Olivarez at nagawang lumapit sa limang puntos ng ilang beses, ang huli ay 56-61 papasok sa huling anim na minuto. Hindi kumurap ang Blue Hawks at bumuhos ng 10 sunod-sunod na puntos sa likod nina Roger Ondoa at Alfred Flores upang lumayo muli at apat na minuto sa orasan, 71-56.


Nanguna sa ICC si Ondoa na may 20 puntos at 10 rebound at sinundan ni Flores na may 16 puntos. Kasama ng kanyang 23 puntos sa Game One, itinanghal na Finals MVP si Flores.


Tanging sina Joshua Gallano na may 28 puntos at 12 rebound at reserba John Anthony Umali na may 19 ang bumuhat sa Olivarez. Masaklap ang sinapit ng Sea Lions na tagumpay sa kanilang unang 13 laro bago nadisgrasya sa Game One noong Lunes matapos ang shoot ni Jared Vento sa huling segundo, 80-79.


Samantala, kinoronahang kampeon sa Women’s Division ang Centro Escolar University Lady Scorpions na nanaig sa host PUP Lady Radicals, 85-73, at tapusin ang torneo na perpekto sa pitong laro. Sa kanyang huling laro sa kolehiyo, bumanat si kapitana Kathlene Sumarago ng 16 puntos, 15 rebound, siyam na assist at limang agaw upang mapiling Finals MVP.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page