Hawks, nakaporma sa Playoffs, Lakers vs. Grizzlies sa 1st round
ni Anthony E. Servinio @Sports | April 13, 2023

Dumaan ang Los Angeles Lakers sa overtime bago masugpo ang bisitang Minnesota Timberwolves, 108-102, sa simula ng NBA Play-In Tournament kahapon sa Crypto.com Arena. Sa Eastern Conference, inagaw ng bisitang Atlanta Hawks ang panalo sa Miami Heat, 116-105, at angkinin ang ika-pitong puwesto.
Sa overtime, ipinasok nina Rui Hachimura, Anthony Davis at Dennis Schroder ang mga mahahalagang puntos upang itakda ang tapatan ng Lakers sa numero dos Memphis Grizzlies sa seryeng best-of-seven. Hihintayin ng Timberwolves ang magwawagi sa New Orleans Pelicans at Oklahoma City Thunder para sa ika-walong upuan sa West Playoffs.
Hindi pinapuntos ng Lakers ang T'wolves sa huling 6 na minuto ng 4th quarter hanggang maagaw ang lamang, 98-95, sa tres ni Schroder na may 1.4 segundo sa orasan. Biglang tinawagan ng foul si Davis kay Mike Conley na walang kabang ipinasok ang tatlong free throw upang itakda ang overtime na may 0.1 segundong nalalabi, 98-98.
Double-double sina LeBron James na 30 puntos at 10 rebound at Davis na 24 puntos at 15 rebound. Naglaro ng sentro si forward Karl Anthony Towns at nagtala ng 24 puntos at 11 rebound subalit hindi ito sapat sa gitna ng suspensiyon kay Rudy Gobert.
Matapos ipasok ni Jimmy Butler ang unang buslo para sa Miami ay puro Hawks na ang nagsulat ng kuwento at madaling kinuha ang first quarter, 36-27. Lumaki sa 63-39 ang lamang sa second quarter at mula doon ay inalagaan ito ng Atlanta na maghahanda na para sa seryeng best-of-seven laban sa pumangalawang Boston Celtics.
Samantala, isama na si Towns sa listahan ng mga aabangang bituin sa 2023 FIBA World Cup sa Pilipinas. Bago ang laro ay kinumpirma ni KAT ang kanyang paglaro para sa Dominican Republic.





Comments