Hawks at Clippers, nakabanat, Jazz, tinambakan ang Lakers
- BULGAR
- Nov 9, 2022
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 9, 2022

Nagawa ng Atlanta Hawks ang hindi nagawa ng siyam na iba pang koponan at itapal ang unang talo sa bisitang Milwaukee Bucks, 117-98, sa pinakamalaking laro sa NBA kahapon sa State Farm Arena. Pinutol din ng Los Angeles Clippers ang walong sunod na tagumpay ng Cleveland Cavaliers, 119-117, at may bagong hari na ang Western Conference sa katauhan ng Utah Jazz.
Bumanat ng todo ang Hawks sa second half sa likod nina Dejounte Murray at rookie AJ Griffin hanggang umabot ng 111-86 ang agwat sa three-points ni Murray. Tinakpan ni Murray ang pagliban ng pilay na superstar Trae Young sa kanyang 25 puntos at 11 assist habang 24 puntos si Griffin bilang reserba subalit numero uno pa rin sa East ang Bucks dahil nabigo ang Cleveland.
Kinumpleto ni Paul George ang three-point play na may 37 segundo sa orasan upang ibigay sa Clippers ang lamang, 115-112, at mula roon ay pinagbutihan nila ang shooting sa free throw upang mapreserba ang resulta. Namuno si George na may 26 puntos at sinuportahan ni Marcus Morris Sr. na may 20 puntos.

Tinambakan muli ng Jazz ang Los Angeles Lakers sa pangalawang pagkakataon, 139-116, salamat sa 23 puntos ni Lauri Markkanen at 22 mula kay Gilas Pilipinas Jordan Clarkson para sa kartadang 9-3.
Winakasan ng World Champion Golden State Warriors ang limang sunod-sunod na talo at nagwagi sa Sacramento Kings, 116-113. Nagtala ng 17 sa 47 puntos si Stephen Curry sa 4th quarter upang makahabol ang Warriors at baligtarin ang 88-79 lamang ng Kings.
Uminit para sa 34 puntos si kabayan Jalen Green upang buhayin ang Houston Rockets sa 134-127 panalo. Ito lang ang pangalawang panalo ng Rockets at pantay na sila ng Magic sa 2-9 at parehong nasa pinakailalim ng West at East.





Comments