Hawaii, niyanig ng magnitude 6.2 na lindol — USGS

ni Lolet Abania | October 11, 2021

Niyanig ng magnitude 6.2 na lindol ang timog na bahagi ng Hawaii Island ng 2148 GMT oras sa lugar ngayong Lunes, ayon sa US Geological Survey (USGS).
Gayunman, wala namang ibinabang tsunami warning habang wala ring immediate reports hinggil sa posibleng pinsala matapos ang lindol.
Batay sa updated report ng USGS, may lalim na 22 miles o 35 km, ang lindol ay nasa 17 miles o tinatayang 27 km timog-timog-silangan ng Naalehu, na matatagpuan sa southernmost tip ng Hawaii Island.
Sa inisyal na ulat ng USGS, naitala ang lindol ng magnitude 6.1 subalit, kalaunan umakyat ito sa 6.2, kung saan ang ganitong lakas ng pagyanig ay maaaring magdulot ng matinding pinsala.
Ayon sa US Tsunami Warning System, walang inilabas na tsunami warning matapos ang lindol.
“Based on all available data from the Pacific Tsunami Warning Center, there is no tsunami threat to the Hawaiian Islands,” pahayag ng Hawaii Emergency Management Agency sa isang press release, habang anila, ang mga lokal na awtoridad ay patuloy naman sa pagmo-monitor sa sitwasyon at inaalam na rin ang posibleng mangyaring pinsala sa lugar.
Nakapag-report naman ng marami pang aftershocks batay sa lakas nito, matapos ang lindol.
Sa ulat ng local news outlets, naramdaman ng mga residente buong bahagi ng Hawaii Island at malayong lugar gaya ng Kauai at Oahu ang pagyanig.
Wala namang naitalang major damage at nasaktan sa naganap na lindol.





Comments